SAKLAW na ngayon ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) coverage ang lahat ng Persons with Disabilities (PWDs) sa buong bansa.
Kasunod ito ng ginawang pag-amyenda ng Republic Act No. 7277 na mas kilala sa tawag na Magna Carta for Persons with Disability makaraang maging isa nang ganap na batas ang Republic Act No. 11228 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 22, 2019.
Nakasaad sa bagong batas na awtomatiko nang masasakop ng National Health Insurance Program (NHIP) ng Philhealth ang PWDs at ang premium contributions ng mga ito ay babayaran na ng national government.
Ayon pa sa batas, ang premium contributions ng PWD members sa formal economy ay pantay na babalikatin ng kanilang mga employer at ng national government.
Ang pondo para sa kontribusyon ng PWDs at epektibong implementasyon nito ay kukunin sa NHIP fund ng Philhealth na manggagaling naman sa dagdag na excise tax sa mga alcohol at tobacco products.
Ang Philhealth ay naatasan ding bumalangkas ng exclusive packages para sa PWDs base sa kanilang mga partikular na specific health at development needs.
Upang matiyak na maipapatupad nang maayos ang nabanggit na programa, naatasan ang Department of health (DOH) sa pakikipag-ugnayan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), National Council on Disability Affairs (NCDA) at iba pang ahensiya ng gobyerno na makipag-ugnayan sa local government units para magsagawa ng periodic monitoring at evaluation.
“Philhealth in consultation with the DOH, DSWD, DOLE and NCDA and the various national leagues of LGUs shall promulgate the IRR within three months upon the effectivity of this Act,” ang sabi pa sa batas. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.