PWDs, SENIOR CITIZENS AT STUDENTS DAPAT BIGYAN NG 20% FARE DISCOUNT

GOOD day, mga kapasada! SA ISYU po natin ngayon, marami tayong pangkaularang maibabalita para sa mga drayber, operator at mananakay makaraang payagan ng pamahalaan ang public utility vehicles na dagdagan ang passenger capacity.  ​Ngayon pong binigyan na ng pahintulot na sumakay sa public transportation ang mga senior citizen, menor de edad at ang mga may kapansanan, marapat lamang na ang mga ito ay pagkalooban ng 20 porsiyentong diskuwento sa pamasahe alinsunod sa itinatadhana ng batas.

​Sa kabila nito, mahigpit pa rin ang pagpapaalala na tulad ng ibang pinahihintulutang pasahero ay kailangan pa rin nilang sumunod sa safety and health protocols na inilatag ng Inter-AgencyTask Force (IATF) para maiwasan ang kamandag ng nakahahawang COVID-19. ​Ayon kay Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), marami ang dumarating sa kanilang grupo na mga katanungan kung umiiral pa rin daw ba ang 20 percent discount sa mga senior citizen, student at PWDs. ​Sinabi ni Atty. Inton na pinag-aaralan din kung maaaring gawing 100%  o full capacity ang mga pasahero sa public transport.

​Sa kasalukuyan, pinahihintulutan na ang 70 percent capacity mula sa dating 30 percent na capacity sa mga pampasaherong sasakyan tulad ng mga jeepney at bus.​Ngunit dumaranas ng labis na paghihirap ang mga mananakay dahil sa kakulangan ng pampublikong sasakyan, lalo na tuwing rush hour na hindi maiwasan na punuan ang mga jeepney at bus. ​Hanggang ngayon, patuloy pa ring suspendido ang color coding, ngunit sinabi ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na oras na bumalik sa pre-pandemic ang daloy ng trapiko, lalo na sa mga pangunahing lansangan tulad ng EDSA ay maaaring ipatupad na muli ang color coding. ​Samantala, sang-ayon naman si Inton na tanggalin na ang paggamit ng ngunit panatilihin ang face mask para maiwasan ang pagkahawa o makahawa  sa nakamamatay na COVID-19.

MAGNA CARTA OF COMMUTERS ISUSULONG SA KONGRESO

​Ipinangako ng PASAHERO Partylist na sakaling magwagi sila sa May 9, 2022 elections ay kapakanan ng mga pasahero ang pangunahin nilang isusulong sa Kongreso.​Ayon sa tagapagsalita ng partido na si Atty. Homer Alinsug, napapanahon na para bumuo naman tayo ng batas na mangangalaga at magsusulong sa kapakanan ng mga pasahero, lalo ngayong panahon ng pandemya na ang mga tao ay dumaranas ng kakulangan sa sasakyang pampubliko. ​Sinabi ni Atty. Alinsug na bago pa man dumating ang delubyong pandemya sa bansa ay malaking hamon na sa araw-araw ang pasakit na dinaranas ng mga mananakay.

​Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Atty. Alinsug na ang panukalang Magna Carta of Commuters (Commuters Bill of Rights) ang magbibigay ng karampatang suporta na nararapat lamang matamo ng mga mananakay. ​Ani Atty. Alinsug, kabilang sa mga karapatang ito ang magkaroon ng katiyakan sa kaligtasan  sa biyahe, karapatang mabigyan ng kaukulang atensiyon sa oras na madiskaril ang sasakyangPUVs at karapatan sa tamang impormasyon tungkol sa epektibo at mas kampanteng pagbibiyahe. ​Ilang panukalang batas na ang nagsulong sa Magna Carta of Commuters sa dalawang kapulungan ng Kongreso. Gayunman, nananatili itong nakabimbin sa Senado makaraang pumasa ang consolidated version nito sa committee  level sa Kamara. ​Dahil dito, sinabi ng tapagsalita ng PASAHERO Partylist na posibleng hindi na maisabatas ang naturang panukala sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon dahil iilang buwan na lamang ang nalalabi rito, at sa mga susunod na buwan ay nakatuon na rin sa paglilibot ang mga kandidato sa iba’t ibang bahagi ng bansa para mangampanya.​Ipinangako ni Atty. Alinsug na pagsisikapan nilang maisabatas sa susunod na Kongreso ang Magna Carta of Cummuters.​ Panahon na, aniya, na ang mga pasahero naman ang bigyan ng tamang atensiyon, malasakit at pangangalaga sapagkat marami nang panahong sila ay nagdurusa sa sitwasyong tulad ng umiiral sa kanilang nararanasan sa  ngayon bilang mananakay sa public transport. ​Ang PASAHERO (Passengers and Riders Organization Inc,) Partylist na kumakatawan sa mga mananakayay kinilala ng Commission on Elections bilang partylist candidate sa idaraos na halalan sa susunod na taon. ​Sakaling magtagumpay ang naturang party-list sa darating na halalan, maituturing ito na Genesis ng bagong pag-asa ng mananakayang mamamayan, ng mga drayber at na mga operator sa buong bansa.

BAKIT MAHALAGA SA MOTORCYLE ANG TUNE UP

​Sa panahon ng pandemya, at sa pagdedeklara ng iba’t ibang antas ng lockdown, nagkaroon ng malaking suliranin ang mga mananakay sa pagtungo sa kanilang workplace at pabalik sa tahanan. ​Dahil dito, umandar sa kaisipan ng malikhaing mamamayan ang isang uri ng mode of transportation na pinahihintulutan ng batas para makapagtrabaho sa kabila ng panganib na dulot ng coronavirus disease.  Ito ay sa pamamagditan ng paggamit ng motorsiklo at bisikleta na naging sandigang transportasyon sa panahong napakahigpit ng restrictions sa paggamit ng pampublikong sasakyan. ​Dahil dito, maraming text messages ang tinatanggap ng pitak na ito na pawang ang katanungan ay hinggil sa pagmamantina ng motosiklo na naging mabisang gamit para makarating sa kanilang workplace at pabalik sa tahanan.​Mga kapasada, bilang tugon sa kahilingan ng marami lalo na ng mga baguhang gumagamit ng motorsiklo, unawaing mabuti ang ating payongpangkaunlaran sa pagmamantina ng motorsiklo.

ANO-ANO ANG DAHILAN PARA  I-TUNE UP ANG MC?

​Ang karaniwang dahilan ay hindi sakto ang sunog ng spark plug.  Kapag hindi maganda ang performance, hirap itong humatak o pigil ang pagtakbo.​Madali ring mag-init ang makina na nagreresulta sa overheating na karaniwang may malaking bahagdang naidudulot sa pagbubuhol ng trapiko.

PAANO GINAGAWA ANG PAGTU-TUNE UP NG MC

​Sa pakikipanayam kay Meroy Gumapac, certified motorcycle mechanic, first and foremost, kailangang linisin ang caburator ng motorcycle. ​Kung barado ang carburator, ito ay magiging sanhi ng pagpalya ng MC dahil hindi sapat ang maihahatid na gasoline sa piston kung saan sinusunog ang gasolina. ​Dapat ding tsekin ang spark plug at alamin kung ayos pa ang kondisyon nito. ​Sa 4 stroke na MC, mayroong balbula ang mga ito kung saan may saktong clearance ang balbula. ​Kasama rin sa tune up ang pagpapalit ng langis upang lalong gumanda ang takbo ng makina. ​Sa mga MC na may platino o contact point, dapat din itong tsekin para malinis at magkaroon ng wastong pagkontak(gap). ​Tsekin din ang balbula at tiyaking tama ang distansiya para rito. ​Tsekin din ang oil cleaner dahil kung marumi ito, mahihirapang humatak ang motor. ​Kapag nakaramdam na mahina ang hatak ng MC, tsekin muna ang air clearner at huwag munang ipa-tune up.   ​Ipalinis ang air cleaner at subukang paandarin at pakiramdaman kung bumalik sa dati ang takbo at hatak ng makina. ​Walang takdang panahon kung kailangan dapat ipa-tune up ang MC dahil delikado rin kapag laging ginagalaw ang balbula na maaaring maging dahilan ng pagkasira nito. ​Kung makaramdaman ng pagbabago sa hatak ng MC tuladng pag pugak-pugak nito at pabago-bago ang menor ay kaagad patingnan sa mekaniko upang malaman kung kailangan na itong ipa-tune up for better performance and long live ng makina. ​Samantala, binigyang babala ni Gumapac ang mga MC owner na hindi madali ang magpa-tune up ng MC dahil kailangang mga expert mechanic ang magsasagawa nito. ​Sa mga bagong MC, payo ni Gumapac na kapag umabot na sa 1,200 km ang natatakbo ay dapat nang ipa-tune up upang malagay sa tamang sukat ang balbula o platino ng makina at mapalitan ng bagong langis. ​Mga kapasada, sana po, nasagot ng pitak na ito ang inyong mga katanungang ipinarating sa amin.  Para kay G. Meroy Gumapac, marami pong salamat.

LAGING TATANDAAN:  UMIWAS SA AKSIDENTE UPANG BUHAY AY BUMUTI. HAPPY MOTORING!