QC, MAKATI, MAWAWALAN NG TUBIG MULA HULYO 4-6

PANSAMANTALANG mawawalan ng tubig ang ilang kostumer ng Manila Water sa Quezon City at Makati City, simula sa Lunes, Hulyo 4 hanggang Miyerkoles,Hulyo 6.

Sa abiso sa kanilang Twitter account, sinabi ng Manila Water na magpapatupad sila ng water service interruption sa ilang barangay ng Makati at Quezon City sa mga naturang araw dahil sa isasagawang line maintenance activities doon.

Kabilang sa mga apektadong lugar ay ang bahagi ng Brgy. Pembo, Makati City na makararanas ng service interruption mula alas-10:00 ng gabi ng Hulyo 4 hanggang alas-4:00 ng madaling araw ng Hulyo 5.

Ang bahagi naman ng Brgy. Blue Ridge B, Quezon City ay mawawalan ng suplay ng tubig mula alas-10:00 ng gabi ng Hulyo 4 hanggang alas-5:00 ng madaling araw ng Hulyo 5 habang ang bahagi ng Brgy. Horseshoe, Quezon City ay mawawalan ng suplay ng tubig mula alas-10:00 ng gabi ng Hulyo 5 hanggang alas-5:00 ng madaling araw ng Hulyo 6.

Kaugnay nito, pinapayuhan ng Manila Water ang mga residente na mag-ipon ng sapat na tubig upang mayroon silang magamit sa mga naturang araw.

“Manila Water is advising all residents of the affected areas to store enough water to supply their needs during the service improvement activity,” anang kumpanya.

Anito pa, dapat na magsagawa ang mga residente ng flushing sa sandaling maibalik na ang serbisyo ng tubig sa kanilang lugar.

Maaari anila itong isagawa sa pamamagitan nang pagpapatulo muna ng tubig sa mga gripo ng ilang minuto hanggang sa tuluyan itong luminaw muli. EVELYN GARCIA