QC NAGSAGAWA NG CONTACT TRACING SA WILL TOWER

INATASAN ni Mayor Joy Belmonte ang City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) na agad na magsagawa ng contact tracing sa mga pumunta sa studio ni Willie Revillame mula Miyerkules ng gabi hanggang madaling araw ng Huwebes.

Ito ay matapos na ang kampo ni Willie Revillame ay nagbigay kay Belmonte ng isang listahan ng mga nagpunta sa Will Tower.

“Magsasagawa kami ng contact tracing, at mag-aalok ng libreng test sa mga nagtipon sa harap ng studio gayundin ang mga maaaring hindi nakalista upang isumite ang kanilang sarili sa aming mga testing center upang mapigilan namin ang pagkalat sa ating komunidad ng COVID-19,” anang alkalde.

Nauna rito, tumawag si Revillame kay Belmonte upang ipahayag ang kanyang pangamba sa maaaring pagtitipon.

“Siniguro ko sa kanya na magpapadala ako ng mga enforcers upang magpapatupad sa kanyang lugar upang makontrol ang sinumang tao at matiyak na sinusunod ang pinakamaliit na pamantayan sa kalusugan,” paliwanag ng alkalde.

Batay sa ulat na isinumite ng Quezon City Police District (QCPD), si Director BGEN Danilo Macerin mismo ang nagsagawa ng inspeksiyon at inulit sa lahat na palaging obserbahan ang mga health protocol.
EVELYN GARCIA

Comments are closed.