UMABOT na sa 82 na wanted o may mga kaso ang naaresto ng Quezon City Police District –Police Clearance Section simula nang ipatupad ang proyekto noong taong 2016 hanggang Agosto 2018.
Ang proyekto ay inilunsad ni dating QCPD Director at ngayon ay National Capital Region Police Office chief, Director Guillermo Eleazar na ipinagpatuloy naman ni Chief Supt. Joselito Esquivel Jr. ang kasaluyang DD ng QCPD.
Sa panayam ng PILIPINO Mirror kay Chief Insp. Rodel C. Maritana head ng nasabing police clearance section, epektibo ang system dahil ang mga may kaso na matagal nang wanted ay agad nilang nadarakip.
Sa pamamagitan ng PNP E-Warrant System, kapag na-detect na may kaso ang kumukuha ng police clearance ay inaaresto na.
“Itong sistema namin ay mabilis lang, sa 15 minuto kung wala kang kaso agad mare-release ang police clearance, mura rin ito dahil sa halagang P100 ay madarakip ang mga may kaso,” ayon pa kay Maritana.
May bisa na hanggang anim na buwan ang police clearance at kapag magre-renew ay mas mabilis pa ang release dahil hindi na kailangang magsimula sa step 1 kundi ipakikita lamang ang lumang police clearance at itse-check kung may kaso ito at kung wala ay makukuha rin.
Dagdag pa ni Maritana, umabot sa P23 milyon ang kanilang revenue sa unang taon ng pagre-release ng police clearance at itinurn-over ang naturang salapi sa lokal na pamahalaan ng QC.
Dahil sa magandang sistema, nakamit ng naturang seksyon ang Certificate of Compliance. PAULA ANTOLIN
Comments are closed.