ITINANGGI ni Quezon City Police District (QCPD) Director Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., na kanyang pinigilan na maka-harap ng pamilya ng napaslang na QC Barangay Bagong Silangan Chairwoman Beng Beltran ang mga akusado at sinabing isa umano itong kasinungalingan.
Sa panayam, sinabi ni Esquivel, na noon pa mang magsampa sila ng kaso sa korte laban sa mga akusado ay nakaharap na umano ng pamilya ni Beltran ang mga akusado dahil lumagda pa ang mga ito sa complaint sheet.
Niliwanag din ni Esquivel na noong bago pa man ipakita sa media at ng iniharap na sa media ang mga suspek ay makailang beses umano pinatawag niya ang anak ni Beltran na si Winsel Beltran para makaharap din ang mga suspek.
“Actually nagkaharap na sila ng pamilya sa akusado noong mag-file pa lang kami ng kaso at nagpasalamat sa amin ang pamilya dahil solve na ang kaso within 42 hours, noong bago at during the presscon ay pinatawag ko lamang si Winsel, siya lamang ang imbitado roon na magpunta pero hindi siya nagpunta sa presscon, hindi ko naman puwedeng papasukin doon ang mga hindi concern sa isyu” paliwanag ni Esquivel .
Binigyang diin ni Esquivel na walang dahilan si Winsel para sabihin nito sa hiwalay na media briefing na hindi siya pinayagan na makaharap ang mga akusado dahil makailang beses siyang pinagbigyan ito.
Binigyang diin din nito na walang sinuman ang maaaring mag-impluwensiya sa kanya sa ginagawang pag-imbestiga sa kaso.
Sinabi nito na siya ay nagtataka kung bakit parang may pumipigil kay Winsel na hindi pumunta sa press briefing ng QC police nang ipatawag siya mula sa karamihan ng mga nagbabarikada sa gate ng Kampo Karingal.
Sinabi ni Esquivel na makaraan ang press briefing ay nakapasok din si Winsel kasama sina Rep. Bingbong Crisologo at dating Councilor Jopet Sison at mga supporter nito sa Kampo Karingal at mismong si Winsel ay nakaharap muli ang mga akusado at kinausap pa ang mga ito.
Sa kanyang panig, niliwanag din ni NCRPO director Guillermo Eleazar na nakaharap ni Winsel ang mga akusado at naka-face to face pa niya ang mga ito sa piitan ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa Kampo Karingal.
Karapatan aniya ng sinuman na makita ang mga akusado ng krimen lalo na ng mga kaanak ng biktima ng krimen. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.