KASABAY ng pag-iral ng Alert Level 1sa Metro Manila at 38 pang lugar sa probinsiya, ide-deactivate na ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang mga quarantine control point (QCP) sa mga lugar na sakop ng nasabing alert status simula ngayong araw.
Ito ang inihayag ni PNP Public Information Office Chief BGen. Roderick Augustus Alba kaugnay ng paglalagay ng Metro Manila at 38 pang mga lugar sa pinakamababang alert level mula Marso 1 hanggang a-15.
Subalit, Aniya, mananatili ang mga regular checkpoint ng PNP na nasa mga QCP para pagpapatupad ng law enforcement, anti-criminality, at COMELEC operations tulad ng election gun ban, at pagbabawal sa unauthorized security ng mga kandidato.
Ayon kay Alba, wala nang restrictions sa inter-zonal at intra-zonal travel sa mga lugar na nasa alert level 1 kaya inaasahan din ng PNP ang mas mabigat na daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Dahil dito, inatasan na rin ni PNP Chief Gen. Dionardo Carlos si NCRPO Director MGen. Vicente Danao na makipag-coordinate sa MMDA at I-ACT sa inaasahang pagdagsa ng mga tao at sasakyan sa mga kalsada. EUNICE CELARIO