Mga laro ngayon:
(Ninoy Aquino Stadium)
5 p.m. – TNT vs NLEX
7:30 p.m. – Rain or Shine vs Magnolia
MAGSASAGUPA ang Rain or Shine at Magnolia, habang maghaharap ang TNT at NLEX sa pagsisimula ng best-of-5 quarterfinals series sa PBA Governors’ Cup ngayong Miyerkoles sa Ninoy Aquino Stadium.
Ang Rain or Shine ang top qualifier mula sa Group B habang ang Magnolia ay fourth seed sa Group A.
Nakatakda ang laro sa alas-7:30 ng gabi, kung saan ito ang unang postseason clash sa pagitan ng dalawang koponan magmula nang walisin ng Magnolia ang Rain or Shine sa kanilang best-of-three faceoff sa 2021 Philippine Cup quarterfinals.
Subalit ang Elasto Painters ay ibang koponan na ngayon sa pagpasok nina Gian Mamuyac, Shaun Ildefonso, Jhonard Clarito, Keith Datu, Adrian Nocum, Caelan Tiongson at Felix Lemetti at sa klase ng rah-rah game na kanilang nilalaro sa ilalim ni coach Yeng Guiao.
Idagdag pa si import Aaron Fuller, na gamay ang sistema ng koponan, patunay ang kanilang top showing sa Group B sa eliminations.
At malaking bagay ito para sa E-Painters na mapapalaban sa Magnolia team na nahaharap sa health concerns at isyu sa chemistry sa kanilang bagong import na si Rayvonte Rice.
Bilang kapalit ni Shabazz Muhammad, si Rice ay nagtala lamang ng 2-of-14 clip at 7 rebounds sa 27 minutong paglalaro sa kanyang debut sa Magnolia noong Linggo.
Nalasap ng Hotshots ang 82-89 loss sa naturang laro kung saan pinagpahinga ni coach Chito Victolero ang kanyang top guns bilang paghahanda sa playoffs.
“We will face the No. 1 team with a lot of talent and a very good import. We’ll just try to be ready. We wanted our players to stay healthy,” sabi ni Victolero.
“It’s gonna be a long series, a best-of-five, and then we will play every other day. That’s why I wanted them (the Hotshots) to be fresh. We cannot afford to have major minutes (for Sunday’s game) kasi it’s hard for us to recover on one-day prep,” dagdag pa ni Victolero.
Kontra E-Painters, inaasahang isa itong run-and-gun battle.
Sa unang laro sa alas-5 ng hapon ay magsasalpukan ang Group A topnotcher TNT at ang Group B No. 4 NLEX.
Ang protagonists ay may magkaibang daan na tinahak sa crossover Last-8 kung saan nakopo ng TNT ang unang berth at nanguna sa kanilang grupo habang ang NLEX ang huling pumasok sa playoffs sa kanilang bracket. CLYDE MARIANO