Q’FINALS BONUS PAKAY NG BOLTS, FUEL MASTERS

PBA Commissioner's Cup Season 48

Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)

4 p.m. – Phoenix vs Meralco

8 p.m. – NLEX vs Converge

MAGSASALPUKAN ang Meralco at Phoenix Super LPG sa krusyal na laro na magbubukas sa huling linggo ng eliminations sa PBA Commissioner’s Cup ngayong Miyerkoles sa Smart Araneta Coliseum.

Naghihintay ang isang puwesto sa top four – at ang kaakibat nitong twice-to-beat advantage sa eight-team quarterfinals – sa magwawagi sa 4 p.m. match sa pagitan ng dalawang koponan na may magkatulad na 7-2 kartada.

Makaraang tapusin ng Magnolia ang elims sa 9-2 kasunod ng pagkatalo sa Meralco noong Sabado, isa sa Bolts at Fuel Masters ang maaaring maging eliminations topnotcher kapag na-sweep nila ang kanilang huling dalawang laro.

Subalit sinabi ni Meralco coach Luigi Trillo na maaari pang mawala ang kanyang tropa sa  top four dahil sa mga karagdagang banta mula sa San Miguel Beer at Barangay Ginebra squads, kapwa may 7-3 marka.

“Pwedeng maging five-way tie iyan (for the top four). Parang tingin ko, Ginebra and San Miguel, the way they’re playing, may momentum na,” sabi ni Trillo sa bisperas ng laban.

“So problema namin, kapag natalo kami sa Phoenix kahit manalo kami sa Terrafirma (on Friday) at manalo ‘yung Phoenix sa TNT (at elims end on Sunday), kami fifth,” dagdag ni Trillo.

“Basehan ko d’yan, kami ng Phoenix naglalaban para sa top four. Quotient kasi pangatlo kami, sunod ‘yung Phoenix.”

Napakahalaga rin ang laro ngayong araw para kay Phoenix coach Jamike Jarin. “Very crucial for both teams,” aniya. “As far as I know, whichever wins gets the twice-to-beat advantage, top four, so talagang we have to prepare and be ready.”

Ang isang bagay na ikinababahala ni Jarin ay ngayon lamang maglalaro ang kanyang koponan magmula noong Pasko, kung saan natalo ito sa SMB, 117-96.

“Hopefully, we’re not rusty. That would be interesting to see, how we start,” ani Jarin. “We had a break and then active rest, pero iba pa rin kasi when you’re playing so that’s going to be one of the things we have to be aware of.”

Ang pahinga ay nagbigay rin kay Raul Soyud ng sapat na panahon para makarekober mula sa injury at kay Jason Perkins mula sa karamdaman.

“We have a full lineup going to the game and that’s good kasi Meralco is well-coached and rebounding will be a factor because of (Cliff) Hodge, (Raymond) Almazan, (Chris) Newsome. That’s one of the things we have to focus on,” sabi pa ni Jarin.

“And we have to stop their import,” dagdag ni Jarin, patungkol kay Shonn Miller na nag- debut na may 33 points, 22 rebounds, at 4  steals laban sa Magnolia.     CLYDE MARIANO