Q’FINALS PAKAY NG E-PAINTERS

Mga laro ngayon:
(Ninoy Aquino Stadium)
5:30 p.m. – Rain or Shine vs NLEX
7 p.m. – Magnolia vs TNT

TARGET ng Group A leader at quarterfinalist Talk ‘N Text ang ika-7 panalo kontra Magnolia habang puntirya ng Rain or Shine ang quarterfinals berth sa pakikipagtipan sa NLEX sa PBA Governors’ Cup ngayong Martes sa Ninoy Aquino Stadium.

Maghaharap ang Tropang Giga at Hotshots sa main game sa alas-7:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Elasto Painters at Road Warriors sa alas-5 ng hapon.

Bagama’t halos nakasisiguro na sa isang quarterfinals ticket dahil sa 5-2 record sa Group B, nais pa rin ng Elasto Painters na manalo sa kanilang huling tatlong eliminations games upang manatili sa kahit No. 2 sa kanilang bracket at makaiwas sa maagang salpukan sa top two team mula sa kabilang grupo sa last eight.

Ang Road Warriors ay nasa mas mahirap na kalagayan makaraang matalo sa kanilang huling tatlong laro na naglagay sa kanila sa 3-4 kartada.

Kailangan ng tropa ni coach Jong Uichico na walisin ang kanilang huling tatlong laro upang makalayo sa 3-5 Blackwater at 1-7 Phoenix Super LPG at manatili sa No. 4 sa Group B.

“We will try to do the best we can. Tight ‘yung race namin sa last spot to enter, very tight. Kaya next three games namin very crucial talaga,” sabi ni Uichico.

“We’ll just try to win as many as we can,” dagdag ni Uichico. “One game at a time, but the mindset is the same for us, which is to try and pull off wins just to get into the next round.”

Pinalitan ng Road Warriors si original import Myke Henry at ipinarada si DeQuan Jones upang palakasin ang kanilang tsansa. Si Henry ay may average na 25.85 points at 8.14 rebounds sa pitong laro, subalit nagpasya pa ring palitan siya ni Jones, na dating Orlando Magic.

“We just wanted a little bit more,” paliwanag ni Uichico. “Siyempre if you’re not doing well then you try to find solutions para ma-improve ‘yung team.”

Sisikapin naman ng Rain or Shine na makabawi mula sa 102-124 pagkatalo sa Barangay Ginebra noong nakaraang Biyernes.

“If you lose by 20-plus points… I think ‘yun ‘yung puwedeng mag-dampen ng spirit mo or magbaba ng morale mo.

We just need to be careful how to treat ‘yung loss na ‘to,” ani coach Yeng Guiao matapos ang laro.

“We have to find ways to keep our momentum going and look for something positive that we can take out of this loss,” dagdag pa ni Guiao.

Tinambakan ng E-Painters ang Road Warriors, 124-105, sa una nilang paghaharap at umaasa si Guiao na maduduplika nila ito.

Samantala, palalakasin ng TNT ang kanilang kampanya para sa top seeding saquarterfinals.

Ang tropa ni coach Chot Reyes ay nangangailangan na lamang ng dalawang panalo para sa top spot sa grupo na magdadala sa kanila sa crossover quarterfinals (best-of-five) laban sa last seed mula sa Group B. CLYDE MARIANO