Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
4:30 pm – TNT vs San Miguel
7 pm – Ginebra vs Meralco
DALAWANG pares ng kapanapanabik na bakbakan ang matutunghayan sa pag-arangkada ng best-of-3 quarterfinals ng PBA Commissioner’s Cup ngayon sa Araneta Coliseum.
Magsasagupa sa unang laro sa alas-4:30 ng hapon ang defending San Miguel Beer at TNT, na susundan ng sagupaan ng Barangay Ginebra at Meralco sa alas-7 ng gabi.
Halos patas ang labanan ng apat na koponan at kung sino ang may solidong laro at maganda ang performance ng import ang siyang mananaig.
Tinalo ng SMB ang TNT, 99-94, sa elimination at determinado ang Beermen na makaulit at panatilihin ang dominasyon sa Tropang Texters.
Tiyak namang hindi papayag ang Tropang Texters at nakahandang gantihan ang Beermen upang makauna sa kanilang serye.
Pangungunahan ni Renaldo Balkman ang opensa ng Beermen, kasama sina Alex Cabagnot, Arwind Santos, Marcio Lassiter, Chris Ross at June Mar Fajardo, na pangangasiwaan ang shaded area.
Makatutuwang naman ni Joshua Smith ng Talk N Text sina Troy Rosario, Roger Pogoy, Terrence Romeo, William Jayson Castro, RR Garcia , Kelly Williams at Anthony Paul Semerad.
Mataas ang morale ng Texters makaraang magwagi laban sa Rain or Shine kung saan tumipa si Smith ng 25 points at 13 rebounds.
Si Justine Brownlee naman ang mangunguna sa opensa ng Barangay Ginebra, kasama sina LA Tenorio, Scottie Thompson, Solomon Mercado, Joe Devance, at Jervy Cruz laban kina Diamon Simpson, Amer Baser, Jeff Hodge, Chris Newsome, Jared Dillinger, Reynel Hugnatan at Ranidel de Ocampo. CLYDE MARIANO
Comments are closed.