Q’FINALS SLOT LALAGUKIN NG BEERMEN

NANGIBABAW si Calvin Abueva ng Magnolia sa rebound laban sa mga manlalaro ng Blackwater sa kanilang laro sa PBA Philippine Cup noong Miyerkoles sa Ninoy Aquino Stadium. Kuha ni RUDY ESPERAS

Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)

4:30 p.m. – Converge vs San Miguel

7:30 p.m. – Ginebra vs TNT

DAHIL sa pinakahihintay na breakout game mula sa isang madalas na hindi napapansing player, nagawang hilahin ng San Miguel Beer ang kanilang walang bahid na marka sa PBA Philippine Cup.

Tiyak na hindi magkakampante ang Beermen sa kanilang pagharap sa  Converge side na walang mawawala ngayong Biyernes sa PhilSports Arena.

Nakatakda ang laro sa alas-4:30 ng hapon.

Ang FiberXers ay wala pang panalo sa pitong laro, ngunit mistula ngayong mas mapanganib, base sa kanilang ipinakita noong nakaraang linggo.

Ang  laro ng Converge at Phoenix Super LPG ay tinampukan ng apat na deadlocks at limang lead changes bago nalasap ng una ang  107-113 defeat. Sa kabila nito, ang laro ay kinakitaan ng malaking improvement para sa FiberXers, na natalo sa kanilang unang anim na laro na may average na halos 15 points.

Puntirya ng SMB ang ika-6 na sunod na panalo sa parehong dami ng laro. isang streak na napalawig makaraang pumutok si Mo Tautuaa ng personal season-high 24 points, kabilang ang 17 sa fourth period, sa 113-110 decision kontra Terrafirma noong nakaraang April 10.

“Mo is a great talent and Mo knows that,” wika ni Beermen coach Jorge Gallent patungkol kay Tautuaa, na pumasok sa laro na may average lamang na 7.3 points subalit nagtala ng 10-of-14 mula sa field, kabilang ang  3-of-5 mula sa arc.

“He just needs to play his game and just focus on what he has to do and Mo will be Mo, just like he played now,” dagdag ni Gallent. “He just needs to put his mind in the game and he will be okay.”

Ang panalo ng SMB ay opisyal na magbibigay sa kanila ng  quarterfinals slot, isang hawak na maaari nilang patatagin kapag nagtala sila ng mas maraming panalo sa susunod nilang limang laro sa loob ng 14 araw, simula sa matchup kontra NorthPort sa Linggo.

Subalit ayon kay Gallent, ang main focus ng koponan ay kung ano mismo ang nasa kanilang harapan.

“One game at a time. So now we think of Converge. That’s the ladder,” pagbibigay-diin ni Gallent. “So we have 11 steps (in the elimination round). We’re going to our sixth step. That’s the only thing we’re thinking of.”

Nagkataon na noong huling sinimulan ng SMB ang conference sa 5-0, sa Governors’ Cup noong nakaraang season,  ang  streak ay pinutol ng Converge.

Sa main game sa alas-7:30 ng gabi ay magsasalpukan ang Barangay Ginebra at TNT.                           

 CLYDE MARIANO