UMATAKE si Jeremy Lin ng New Taipei laban kay Jansen Rios ng Meralco sa kanilang laro sa Easr Asia Super League noong Miyerkoles ng gabi sa Philsports Arena. Nagwagi ang Kings, 89-77. Kuha ni RUDY ESPERAS
Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
4 p.m. – Blackwater vs NorthPort
8 p.m. – Rain or Shine vs TNT
TAMPOK ang isang virtual playoff clash sa pagbabalik ng PBA Commissioner’s Cup mula sa mahabang holiday breather ngayong Biyernes sa Araneta Coliseum.
Magsasalpukan ang Rain or Shine at TNT Tropang Giga upang basagin ang pagtatabla sa seventh place, kung saan ang mananalo ay makakakuha ng outright ticket sa post-elimination round play.
Nakatakda ang laro sa alas-8 ng gabi matapos ang bakbakan ng NorthPort at ng sibak nang Blackwater sa alas-4 ng hapon.
Dadalhin ng Elasto Painters ang momentum ng four-game run na tumuldok sa kanilang kampanya sa 2023 habang puputulin ng Tropang Giga ang two-game slide.
Ang magwawagi ay makakaiwas sa anumang kumplikasyon ng deadlocks, at awtomatikong uusad sa quarterfinals kasama ang Magnolia (9-1), Phoenix Super LPG (7-2), Meralco (6-3), San Miguel Beer (6-3) at Barangay Ginebra (6-3).
“That’s the path we want to go through,” pahayag ni coach Yeng Guiao, na ang tropa ay nasa kontensiyon makaraang makarekober mula sa nakadidismayang 0-5 season start.
Ang Elasto Painters ay nabuhay sa pagpasok ni Tree Treadwell kapalit ni DaJuan Summers.
Samantala, ang kampanya ng TNT ay masalimuot dahil sa health issues ng kanilang reinforcement.
Ang Tropang Giga ay sumalang na all-Filipino sa 86-78 defeat sa Barangay Ginebra Kings sa kanilang Christmas Day clash. Dahil dito ay nahulog sila sa ika-7 puwesto kasalo ang Elasto Painters sa 4-5.
Isang RHJ ang aalis at isa pa ang papasok sa pagharap ng Tropang Giga sa Elasto Painters.
Si Rondae Hollis-Jefferson ay tuluyang nang hindi makapaglalaro dahil sa neck injury na kanilang tinamo sa kanilang EASL outing. Pumalit sa kanya ang nakatatanda niyang kapatid na si Rahlir na noong Pasko pa sana sumalang kung hindi nagkaroon ng isyu sa documentation.
Si Rahlir ay naglaro ng apat na seasons para sa Temple Owls sa US collegiate ball at kamakailan ay nagkaroon ng stint sa Hungarian league matapos ang tour of duties sa iba’t ibang NBA G-League teams.
Walang import, ang Tropang Giga ay lumaban nang husto sa Gin Kings subalit kinapos sa huli habang naglaro rin na wala si ace backcourt player Jayson Castro.
“We played enough to win, hindi lang naitawid dahil pagod na ang mga players namin,” sabi ni TNT coach Jojo Lastimosa.
Samantala, determinado ang NorthPort na putulin ang 2-game skid kontra struggling Blackwater upang palakasin ang kanilang kampanya na makausad sa susunod na round.
CLYDE MARIANO