Q’FINALS TARGET NG TEXTERS | Pilipino Mirror Pilipino Mirror
TNT PBA

Q’FINALS TARGET NG TEXTERS

Mga laro ngayon:

(Cuneta Astrodome)

4:30 p.m. – Alaska vs TNT

7 p.m. – Meralco vs Rain or Shine

PUNTIRYA ng Talk ‘N Text ang ika-4 na quarterfinal seat at samahan ang early qualifiers league-leading Phoenix, Rain or Shine at defending champion San Miguel Beer sa pagsagupa sa Alaska sa PBA Philippine Cup ngayon sa Cuneta As-trodome.

Haharapin ng Tropang Texters ang Aces sa alas-4:30 ng hapon na susundan ng bakbakan ng Meralco at Rain or Shine sa alas-7 ng gabi.

Sisikapin ng Bolts na masungkit ang ika-4 na panalo upang mapalakas ang kampanya para sa susunod na round.

Sasalang ang TNT na dala ang 127-89 panalo laban sa kulelat na Blackwater, habang galing ang Alaska sa 70-91 pagkatalo sa NLEX.

Sa kabila ng panalo sa kanilang huling laro, ayaw magkumpiyansa ng Tropang Texters dahil batid nilang determinado ang Aces na manalo at umabante sa susunod na round.

“Hindi puwedeng mag-relax dahil malakas ang Alaska. Kailangang maglaro ang mga player ko nang husto para masiguro ang panalo at pumasok sa quarterfinals,” wika ni coach Bong Ravena.

Muling pangungunahan ni Roger Pogoy, ang ‘Best Player of the Game’ sa panalo ng TNT sa Blackwater, ang opensiba ng Tropang Texters, katuwang sina Jayson Castro, Ryan Reyes, Kelly Williams, Troy Rosario, Jericho Cruz, at David Semerad.

Ipaparada naman ni Alaska coach Alex Compton sina Chris Banchero, Jeron Teng, Chris Exciminiano, Sonny Thoss, Carl Bryan Cruz, Simon Enciso at Nonoy Baclao.

“We have to win this game to strengthen our hunt for the quarterfinals. We cannot afford to lose our remaining games,” sabi ni Compton.

Krusyal din ang laro para sa Me­ralco para makasambot ng puwesto sa quarterfinals.

Magiging sandigan ng Bolts sina Chris Newsome, Baser Amer, Jeff Hodge, Jared Dillinger, Nico Salva, Reynel Hugnatan, Bryan Faundo at dating TNT Ranidel de Ocampo laban kina James Yap, Gabe  Norwood, Maverick Ahanmisi, Jayvee Mocon, Mark Bor-boran at Raymond Almazan ng Elasto Painters.   CLYDE MARIANO

0

POST A COMMENT

Your email address will not be published. Required fields are marked *

ADS