PINATUTUKAN ng Malakanyang sa mga lokal na pa mahalaan sa Mindanao ang
pagmo-monitor sa kanila-kanilang mga lalawigan.
Ito ay makaraang yanigin ng magnitude 7.2 na lindol ang General Generoso, Davao Oriental kahapon ng umaga.
Sa pahayag ni Presidential spokesman Salvador Panelo, hinikayat nito ang mga LGU sa Mindanao na tutukan ang mga apektadong lugar.
Gayundin, pinag-iingat din nito ang mga residente partikular sa mga coastal area dahil sa posibleng pagtama ng aftershocks at tsunami.
Dagdag pa nito, inabisuhan ang lahat na maging alerto at makipagtulungan sa pagdarasal sa kaligtasan ng lahat.
Kasabay nito, agad namang nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) at ang Pacific Tsunami Warning Center sa banta ng pagkakaroon ng bahagyang tsunami kasunod ng naturang malakas na lindol.
Sa inisyal na report na natangap ng National Disaster Risk Reduction Management ( NDRRM) at Office of Civil Defense (OCD) mula sa Phivolcs na naitala ang pagyanig dakong alas-11:39 ng umaga.
Naitala ito may 170 kilometro timog-silangang bahagi ng Pondaguitan at may lalim na 49 kilometers ang naturang lindol na natukoy ang epicenter sa layong 101 kilometers southeast ng Pondaguitan.
“Posible pong walang tsunami pero puwede rin pong magka-alon na puwedeng umabot sa dalampasigan. Sana wala. Pero bilang pag-iingat, nagpalabas po tayo ng advisory to avoid the beach, sa mga dalampasigan po na nakaharap sa episentro sa Davao Oriental,” ani Phivolcs Director Renato Solidum.
Gayundin, inabisuhan na maging alerto at maingat ang mga residente sa sumusunod na lalawigan: Compostela Valley, Davao Del Norte, Davao Del Sur, Davao Oriental, Davao City, Sarangani, South Cotabato, Agusan Del Norte, Agusan Del Sur, Suri-gao Del Norte at Surigao Del Sur
Inihayag din ng Phivolcs na asahan na raw ng mga residente sa nabanggit na mga lugar na mayroon pang mararanasang after-shocks.
Subalit hanggang kahapon ay wala namang pinsala na naiulat dulot ng naturang pagyanig sa mga imprastraktura at iba pa.
Unang naitala ng USGS sa magnitude 7.2 ang lindol bago ito ibaba sa 6.9 sa 84 kilometro timog-silangan ng Pondaguitan kung saan naramdaman ang lindol sa mga kalapit na lalawigan:
Intensity V:
– Governor Generoso, Davao Oriental
– Glan, Sarangani
– Koronadal City
Intensity IV:
– General Santos City
– Tupi, South Cotabato
– Alabel, Sarangani
– Kiamba, Sarangani;
– Mati City at Manay, Davao Oriental
– Davao City
Intensity III:
– Makilala, North Cotabato
– Valencia City at Manolo Fortich, Bukidnon at Cagayan De Oro City
– Maitum, Sarangani
– Tagum City
– Mabini, Compostela Valley
– Tacloban City
– Palo, Leyte
Intensity II:
– Kadingilan at Don Carlos, Bukidnon
– Tagoloan at El Salvador City, Misamis Oriental
– M’lang, North Cotabato
– Surallah, South Cotabato
Intensity I:
– Zamboanga City.
VERLIN RUIZ