QUARANTINE CHECKPOINTS PIPIGIL SA KRIMEN

QUARANTINE CHECKPOINTS

CAMP CRAME- POSITIBO  ang Philippine National Police (PNP) na ang mga itinayong  ‘quarantine checkpoints’ ay makatutulong din sa pagpigil sa krimen bukod sa paglawak ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) .

Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration PLt. Gen. Camilo Cascolan, magdadalawang- isip ang mga drug personality  na magbiyahe ng droga kung alam nila na daraan sila sa mga checkpoint.

Maging ang mga kriminal, aniya, ay maaaring umiwas sa pagdadala ng ilegal  na armas kung alam nila na may posibilidad na masita sila sa mga checkpoint.

Kaya malaki, aniya,  ang posibilidad na bumaba rin ang crime rate sa Metro Manila, at ngayon ay pati na rin sa buong Luzon,  sa panahon na ipinaiiral ang community quarantine.

Gayunman, iginiit ni Cascolan na walang dapat na ikabahala ang publiko sa mga checkpoint  at magtiwala lang na ang mga pulis ay kumikilos para sa kapakanan ng publiko.

Kahapon ay idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang enhanced quarantine sa buong Luzon dahil sa patuloy na paglobo ng kaso ng COVID-19 kung saan umabot na sa 12 ang nasawi.

PNP HANDA NA SA  ENHANCED COMMUNITY QUARANTINE SA LUZON

Nakaantabay na ang pulisya sa inihayag ni Pangulong  Duterte  na Enhanced Community Quarantine sa Luzon kaugnay  sa COVID-19

Ayon kay PNP Deputy Chief for Operations P/LtG. Guillermo Eleazar, magpapatuloy lang ang ginagawa nilang security measures tulad ng paglalatag ng quarantine checkpoints  sa mga lagusan papasok at palabas ng Metro Manila

Batay sa inilabas na guidelines ng Malacañan noong Sabado, sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine, suspendido ang lahat ng biyahe ng mga transportasyon at bawal na ring lumabas ng bahay ang bawat indibiduwal

Lilimitahan din ang suplay ng pagkain at health service upang maiwasan ang pagkakaroon ng panic buying at anarkiya o malaking gulo

Palalakasin din ang presensiya  ng pulisya at militar para sa mahigpit na pagpapatupad ng community quarantine sa mga komunidad. REA SARMIENTO

Comments are closed.