QUARANTINE FACILITIES SA CRAME FULL CAPACITY NA

FULL capacity o nasa 102% na ang occupancy rate ng mga quarantine facility sa Camp Crame dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19.

Ito ang inihayag ni PNP Deputy Chief For Administration at Administrative Support to COVID- 19 Operations Task Force (ASCOTF) Commander Lt. Gen. Joselito Vera Cruz.

Ang Camp Crame ay mayroong siyam na isolation, quarantine at treatment facilities na may kabuuang 560 bed capacity.

Aniya,sa ngayon ay nasa 573 o 102.32% ang naka-admit sa kanilang facilities kung saan 468 dito ay PNP personnel, 74 Non Uniformed Personnel at 17 sibilyan.

Pinagkasya na lang ang sobrang bilang sa pamamagitan ng room sharing ng magkapamilya at magkakilala.

Ayon kay Vera Cruz, hinihintay nila ang formal guidelines ng Department of Health (DOH) hinggil sa pagpapaikli ng araw ng isolation period para sa mga fully vaccinated na mula 10 araw ay gagawin na lamang na pitong araw.

Makakatulong aniya ito para ma-decongest ang kanilang mga quarantine facilities.

Samantala, pumalo na sa 3,766 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa PNP makaraang madagdag ang 548 pulis na bagong dinapuan ng nasabing virus.

Dahil dito ang kabuuang kaso nito ay sumipa na sa 45,028 habang nasa 41,137 ang total recoveries nang gumaling ang 44 pang pulis hanggang kahapon.

Hindi naman nadagdagan ang 125 death records as of November 10,2021. EUNICE CELARIO