(Quarantine period pinaikli) OCCUPANCY RATE SA PNP FACILITIES BUMABA

MALAKING tulong ang pinaikling quarantine period para sa mga pasyenteng bakunado at positibo pero asymptomatic sa COVID 19 upang mabawasan ang mga tauhan ng PNP na naka quarantine ngayon sa Camp Crame.

Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration at Administrative Support to COVID 19 Operations Task Force Commander Lt. Gen. Joselito Vera Cruz, ramdam agad nila ang epekto ng bagong patakaran kung saan mula sa 10 araw ay ibinaba sa 5 araw ang quarantine period sa mga bakunado at walang sintomas na may sakit.

Paliwanag nito, nabawasan ang bilang ng mga PNP personnel na naka-quarantine ngayon sa isolation at treatment facilities sa loob ng Camp Crame.

Mula sa 102.32 percent, bumaba na lang sa 23.39 na ang bed occupancy rate sa kanilang facilities.

Kaya naman mas napagtutuunan nila ng pansin ang moderate cases ng mga nagkakasakit.

Una nang sinabi ng PNP na karamihan sa mga kaso nila ng COVID 19 ay asymptomatic naman.

Samantala, pagkatapos ng 5 araw na quarantine ay muling isasailalim sa COVID test ang mga nagkasakit upang matukoy kung maari nang bumalik sa duty ang mga ito. REA SARMIENTO