QUARANTINE STATUS DEDESISYUNAN NG MMC

NAKATAKDANG magpulong ngayong Linggo ang Metro Manila Council (MMC) kung mananatili sa modified enhanced community quarantine (MECQ) o ibababa na sa general community quarantine (GCQ) ang quarantine status sa National Capital Region (NCR) kabilang ang mga karatig lalawigan na Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan o ang tinatawag na NCR Plus.

Napag-alaman kay MMC chairman at Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez, ang nakatakdang pagpupulong ng mga metro mayor sa darating na Linggo ay nauukol
sa kanilang rekomendasyon sa Inter-Agency Task Force (IATF) na siya ie-endorso kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa pinal na desisyon sa igagawad na quarantine status sa NCR Plus sa susunod na buwan ng Mayo.

Sinabi ni Olivarez na ang NCR Plus ay kasalukuyang napapailalim sa ikalawang pinakamahigpit na lockdown level, ang modified enhanced community quarantine (MECQ), na magtatagal hanggang Abril 30.

Bukod sa mga metro mayor, kabilang din sa mga dadalo sa naturang pagpupulong ay ang mga eksperto sa kalusugan na siyang maga-assess ng sitwasyon ng COVID-19 sa bawat local government units (LGUs) na nasasakop ng NCR.

Sinabi rin ni Olivarez na hindi lamang isang lungsod o munisipalidad ang magbibigay ng rekomendasyon kundi magkakaroon ng pinagkaisang desisyon ang MMC para sa kanilang isusumiteng rekomendasyon na quarantine status sa IATF sa darating na Mayo. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.