QUARTER FINALS TARGET NG ROAD WARRIORS

nlex

Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. – Blackwater vs NorthPort
5:45 p.m. – NLEX vs Rain or Shine

MATAPOS ang isang araw na pahinga para bigyang-daan ang laro ng Gilas Pilipinas laban sa Lebanon sa sixth at final window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Philippine Arena, magbabalik ang PBA Governors’ Cup, tampok ang bakabakan ng NLEX at Rain or Shine at ng North Port at Blackwater ngayon sa Araneta Coliseum.

Muling magtatangka ang Road Warriors na umabante sa quarterfinals kontra Elasto Painters sa alas-6:45 ng gabi matapos ang salpukan ng Elite at Batang Pier sa alas-4:30 ng hapon.

Kapwa galing sa talo ang NLEX at RoS at determinadong makabalik sa panalo para sa kanilang quarterfinal campaign.

Natalo ang Road Warriors sa sister team Meralco, 98-114, habang yumuko ang Elasto Painters sa Magnolia, 97-112.

Kailangang ipakita ni bagong import Wayne Selden kay NLEX coach Frankie Lim na kaya niyang dalhin sa panalo ang koponan sa kanyang one-on-one kay RoS import Greg Smith sa ilalim ni dating NLEX mentor Yeng Guiao.

Nakahandang umalalay kay Selden sina Kevin Alas, Celedonio Trollano, Philip Paniamogan, Kenneth Ighalo at Anthony Semerad laban sa tropa nina Rey Mambatac, Beau Belga, Gabe Norwood, Mike Nieto at Glen Mamuyac.

“We have to win this game to inch closer to the quarterfinals. I reminded the players to stay focused, sharpen their offense and toughen their defense to make it,” sabi ni Lim.

Inamin ni Lim na mabigat na kalaban ang RoS kaya para manalo ay kailangan nilang maglaro nang husto at maging consistent sa shooting.

“I must admit beating RoS is hard. We have to play A-1 game to win,” wika ni Lim.

Mataas ang morale ng NorthPort kasunod ng panalo kontra Terrafirma. Tiyak na gagamitin itong tuntungan ng Batang Pier para manatiling buhay ang kanilang kampanya na makausad sa susunod na round.

CLYDE MARIANO