QUEZON BRIDGE PINAILAWAN

PINAILAWAN ng city government of Manila ang makasaysayang Quezon Bridge sa Ermita na makapagbibigay ng liwanag at kaligtasan sa mga motorista at pedestrians.

Pinasalamatan ng pamahalaang lungsod sina city electrician Randy Sadac at city engineer Armand Andres sa pangangasiwa ng pagpapailaw na bahagi ng tuloy-tuloy na programa ng pagpapailaw sa mga kalye sa Maynila.

Sa pamamagitan ng maliwanag na kalye ay umaasang walang magtatangkang mga masasamang elemento na gumawa ng krimen.

Tiyak din na magiging ligtas ang mga motorista at pedestrians lalo na sa gabi kung sila ay magdaraan sa Quezon Bridge na ang opisyal na pangalan
ay Manuel L. Quezon Memorial Bridge na mayroong apat na lanes para sa mga sasakyan, dalawa sa magkabilang bahagi at ang bawat gilid ay mayroon din sidewalk para sa pedestrians.

Kabilang sa mga pangunahing lighting projects ng lungsod ang kahabaan ang Roxas Boulevard, Taft Avenue at Espana Boulevard.

Itinayo noong 1939, ang Quezon Bridge ay may kabuuang haba na 447 metro at ito ay combined arch at prestressed concrete girder bridge na tumatawid sa Pasig River sa pagitan ng Quezon Boulevard sa Quiapo at Padre Burgos Avenue sa Ermita.

Ayon kay Andres, ang nasabing tulay ay dinisenyo bilang Art Deco style arch bridge at kinuha ang inspirasyon mula sa Sydney Harbour Bridge sa Australia.

Ipinangalan ang tulay sa karangalan ni dating Pangulong Manuel Luis Quezon na nasira noong World War II at muli itong itinayo noong 1946 na simula noon ay palagian na ito kinukumpuni at sumasailalim sa reinforcement at retrofits sa paglipas ng panahon dahil sa patuloy na paggamit nito.

Napinsala rin ang tulay dahil sa sunog noong 2014 at ang huling major reconstruction nito ay noong 1996. VERLIN RUIZ