BAGITO, ngunit may pusong palaban ang Quezon Huskers – ang bagong koponan na aabangan ng bayang basketbolista – sa paglarga ng ika-limang season ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) sa Sabado, Marso 11, sa Lucena Convention Center sa Lucena City.
Sa pangangasiwa ni dating PBA coach (Global Port) at 2013 UAAP champion Far Eastern University Eric Gonzales, ang Huskers ay binubuo ng mga dating Gilas junior standout, dating PBA mainstay at homegrown player, sa pangunguna ng pambato ng Lucena City na si Topeng Lagrama.
“Nagpatawag ako ng try-outs for the team, almost 100 players ang dumating, pero may nagsabi sa akin na may isang player dito (Topeneng Lagrama) na talagang magbibigay sa team ng leadership at maging crowd-drawer para sa lalawigan ng Quezon,” pahayag ni Gonzales sa ginanap na media launching ng koponan nitong Miyerkoles sa old Capitol building ng pamahalaang lungsod ng Quezon.
Ang 57-anyos na si Gonzales ang humubog sa ilang matitikas na PBA players sa kasalukuyan, kabilang ang one-time MVP na si Terrence Romeo sa FEU.
Ibinida naman ni Quezon Province Gov. Dr. Angelina ‘Helen’ Tan ang buong suporta ng lalawigan para sa koponan na aniya’y magiging bahagi ng isinusulong na programa ng Quezon na mas palakasin ang sports tourism at maipakilala ang Quezon bilang isang progresibong lalawigan sa Southern Luzon at sa buong bansa. “We’re inviting all of you to come in Quezon and watch the MPBL opening ceremony and show your support to our Quezon Huskers first game,” sabi ni Tan.
Makakaharap ng Quezon Huskers sa main game ng double-header attraction sa alas-8 ng gabi ang bagito ring koponan na Negros Mascuvados.
“All out support kami sa Quezon Huskers, pati ang aming mga kababayan tiyak excited na ring mapanood ang mga homegrown players na inaasahan nating magtataguyod sa pride ng lalawigan,” sabi naman ni Mayor Alcala.
Bukod sa point guard na si Lagrama, ang homegrown players ng Huskers ay sina Bryant Placino, Arjay Dongog, Paeng Salonga at dating PBA player Jeric Teng. Kabilang din sa lineup ang 6-foot-10 Fil-Norwegian at Ginebra draftee na si Ken Holmsqvist, dating Batang Gilas mainstays AJ Madrigal, Brix Ramos, CJ Catapusan, Mark Alcala, Allan Beltran, Al Francis Tamsi, RJ Minerva, Thomas Torres, Rodel Gravera, JK Casino, Jaggie Gregorio at Daryl Pascual.
EDWIN ROLLON