QUEZON HUSKERS WAGI SA MPBL DEBUT

BUMALIKWAS mula sa malamyang simula ang bagitong Quezon Huskers para maitakas ang makapigil-hiningang 82-80 panalo laban sa matikas na Negros Muscovados Huwebes ng gabi sa pagbubukas ng 5th season ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) sa dinumog na Lucena Convention Center sa Lucena City.

Dumadagundong ang hiyawan ng mga kababayan ng host team sa bawat pagkakataon na nakakahabol at naididikit ng Huskers ang iskor matapos mabaon sa pinakamalaking kalamangan na 17 puntos sa unang yugto ng laro, ngunit ang ikatlong three-pointer ni Mark Joseph Pangilinan para sa 10-0 run ng Quezon na bumura sa bentahe ng karibal para sa 79-78 kalamangan ang halos dumurog sa morale ng katunggali tungo sa huling tatlong minuto ng laro.

Nagawang mabawi ng Muscovados ang bentahe sa 80-79 mula sa jumper ni Jason Melano, ngunit nakaganti muli ng sariling opensa si Huskers point guard Tomas Torres bago tuluyang sumilakbo ang pagdiriwang ng Quezonians sa mahigpitang labanan sa huling isang minuto ng laro matapos mailagay ni Simone Sandagon ang iskor sa 82-80 mula sa split sa free throw sa foul ni Edrian Lao.

Nakakuha pa ng pagkakataon ang Negros na maitabla ang iskor o maagaw ang kalamangan sa dalawang pagkakataon, ngunit ang pagtatangka sa three-point area ni Lao ay napigilan ni Sandagon bago ang kontrobersyal na tawag ng referee sa ‘out of bound’ na inilagay sa ‘coaches challenge’ na hindi naman naging matagumpay sa Negros may 1.2 segundo ang nalalabi.

“We’re so happy, very very happy and proud. Kahit kulang kami ng ensayo, wala pa ‘yung familiarity sa isat’ isa, they showed the character of not giving up and gave the best for the team and for the supporters,” pahayag ni Huskers head coach Eric Gonzales.

Sa unang laro, nagwagi ang Bataan laban sa Rizal, 70-61.

Ang Quezon Huskers at Negros Muscovados ang dalawang pinakabagong koponan sa liga na kinabibilangan din ng defending national champion Nueva Ecija, Bataan, Bulacan, Caloocan, Makati, Manila, Marikina, Pampanga, Paranaque, Pasay, Pasig City, Quezon City, Rizal, San Juan, and Valenzuela sa Northern Division. Sa Southern Division ay Bacolod, Bacoor, Batangas, Bicol, Cebu, GenSan, Iloilo, Imus, Laguna, Mindoro, Muntinlupa, Negros, Quezon, Sarangani at 2023 MPBL preseason champion Zamboanga. EDWIN ROLLON

Iskor:
Quezon (82) – Teng 14, Torres 12, Pangilinan 11, Minerva 10, Sandagon 9, Alcala 8, Lagrama 6, Catapusan 3, Casino 3, Beltran 2, Pascual 2, Gravera 2.
Negros (80) – Gentalao 18, Melano 13, Albo 12, Lao 11, Bartolo 7, Cuyos 6, Maloles 6, Santillan 4, Javelona 3.
QS: 12-22; 33-39; 59-60; 82-80.