QUEZON NIYANIG NG M5.6 NA LINDOL

QUEZON – MATAPOS ang mga nararanasang pag ulan at pagbaha niyanig naman ng magnitude 5.6 na lindol ang island municipality sa Northern Quezon dakong alas-7:16  kahapon ng umaga.

Ayon sa  ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), natagpuan ang epicenter ng lindol  may 37 kilometro sa silangan ng Jomalig, Quezon na naitala bandang alas-7:16 ng umaga.

Sinasabing tectonic ang  pinagmulan ng lindol  na may lalim na 10 kilometro.

Samantala, walang inaasahang pinsala subalit nagbabala ang Phivolcs sa mga mararanasang aftershocks matapos ang lindol na naramdaman hanggang Quezon City.

Nabatid na sinundan na ito ng ilang pang pagyanig bandang alas-7:24 ng umaga na may lakas na 3.8 magnitude; at isa pang magnitude 1.8 na may lalim na 6 na kilometro dakong alas-7:29 rin ng umaga.

Naramdaman din ang lindol sa mga bayan mainland ng Quezon province, Lucena City at maging sa Laguna at Rizal.

Ayon naman sa Que­zon PDRRMO, wala pang reported damage sa mga katabing lugar sa Polillo Group of Islands at ma­ging sa mainland Quezon.

Naramdaman din sa ilang lugar sa Bicol Region ang malakas na pagyanig ng lupa.

Sa Bicol Region, naramdaman ang iba’t ibang instrumental Intensities: Intensity IV sa Jose Panganiban, Camarines Norte; Intensity III sa Daet, Camarines Norte at Tinambac, Camarines Sur; Intensity II sa mga bayan ng Sagnay, Pasacao, at Ragay sa Camarines Sur; habang Intensity I naman sa Iriga City, Camarines Sur at Tabaco City, Albay.

Samantala, agad na  sinuspinde ni Camarines Norte Governor Dong Padilla ang klase sa lahat ng antas sa probinsya, pampubliko man o pribado, upang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante mula sa mga posibleng aftershocks.

Magsasagawa naman ang PDRRMC Camarines Norte ng safety inspections sa mga gusali ng paaralan.

Patuloy na minomonitor ng mga awtoridad ang sitwasyon at nagpapaalala sa publiko na manatiling kalmado at mag-ingat.

VERLIN RUIZ