QUEZON PROVINCE INSURGENCY-FREE NA

QUEZON- KASABAY ng pagdiriwang ng ika-125 Araw ng Kalayaan, inilunsad ang Declaration of Stable Internal Peace and Security sa lalawigang ito sa pangunguna ni Quezon Province Governor Dra. Helen Tan at DILG Regional – Director IVA Ariel O. Iglesia Ceso III.

Dinaluhan ang naturang okasyon ng mga lokal na opisyal ng lalawigan, AFP at PNP kung saan naideklara ng Insurgency Free ang 39 Municipalities at Dalawang lungsod ng naturang lalawigan ang Lucena at Tayabas Quezon.

Bilang pagpapatibay nito lumagda sa isang Memorandum on Agreement ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Lalawigan ng Quezon sa pangunguna ni Governor Tan , Regional Director ng DILG at mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines ( AFP) particular na ang Philippine Army at maging ang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP).

Sa naturang okasyon ipinaliwanag sa pamagitan ng pagpapalabas ng video presentation ang naging masamang epekto ng pamamayagpag ng grupo ng CCP-NPA-NDF sa komunidad at pagkasira ng buhay ng mga kabataan na sumapi sa grupo.

Anang gobernador, hindi magtatagumpay ang paglaban sa mga rebeldeng grupo kung hindi dahil sa mga dating kasapi nito na nagbalik loob sa pamahalaan at tumulong sa programa ng gobyerno na ibalik ang kapayapaan sa lalawigan.

Binigyan naman ng tulong o kabuhayan 11 mga dating rebelde para magtuloy-tuloy ang kanilang pagbabagong buhay kung saan umabot na sa P18M ang naibigay na tulong ng gobyerno sa mga dating rebelde ng lalawigan na nagbalik loob sa pamahalaan.

Naniniwala naman si Tan na tunay na makasaysayan ang araw ngayon ng kalayaan dahil naideklara ng Insurgency free ang lalawigan ng Quezon.

Nagpasalamat naman si Tan sa AFP at PNP dahil sa tulong upang mapagtagumpayan ang laban sa insuhensiya sa tulong na rin ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan tulad ng mga opisyal ng Barangay.

Aniya, bukas na ang mga mata ng mga taga Quezon na hindi na papayag na mahikayat ang mga kabataan na maligaw ng landas at magbuwis ng buhay dahil ito ay hindi makatarungan.

Nananawagan ang gobernadora sa lahat na isabuhay ang resolusyon o MOA upang magtuloy-tuloy na ang pagkamit ng kapayapaan sa kanilang Lalawigan. EVELYN GARCIA /BONG RIVERA