TARGET ng Quezon Province na palakasin hindi lamang ang turismo kundi pati ang grassroots sports program tungo sa pagiging sentro ng ‘sports power’ sa Southern Luzon.
Tiwala si Quezon Province Gov. Dr. Helen Tan na makakamit ang minimithi at bilang pagpapatibay, isang koponan sa women’s volleyball ang binuo at isasabak ng lalawigan sa darating na ikalawang season ng Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA) – isang semi-professional na home and away tournament.
Tinawag na ‘The Quezon Tangerines’, ang koponan na pag-aari nina Quezon Province 4th District Congressman Mike Tan at team manager Atty. Donn Ron Kapunan ay binubuo ng NCAA three-peat champion College of St. Benilde, sa pangunguna nina Most Valuable Player Mycah Go at Jessa Dorog. Itinalagang head coach ang beteranong coach na si Jerry Yee.
Alinsunod sa mga regulasyon sa torneo, idinagdag sa koponan ang walong homegrown players at ang mga napili sa isinagawang tryouts ay sina Lenie Sapallo, Jasmine Dapal, Christine Joy Lubiano, Louann Latigay, at Jillian Nicole Quiambao mula sa Lucena City; Paola Alban mula sa Lucban, Kamille Josephine Amaka Tan mula sa Tayabas, at Geraldine Rae Palacio ng Pagbilao.
“After basketball (Quezon Huskers), nagbuo kami ngayon ng team sa volleyball para sa MPVA. Volleyball is fast rising in terms of popularity among the youth, and we want to develop our volleyball program as we inspire our youth to represent the province and become a champion in the future,” sabi ni Tan sa team presentation sa Quezon Provincial Hall sa Lucena City.
Kinilala ni Tan ang kahalagahan ng sports sa pagyabong at kaunlaran sa aspeto ng turismo at socio-economic, higit sa paghubog ng character ng bagong henerasyon ng Quezonians.
“May name-recall na, dati ang kilala lang Quezon City, ngayon bida na rin kami sa Quezon Province after we formed the Quezon Huskers in the MPBL. But actually, work in progress na ‘yung aming Sports Academy kung saan mas maraming sports pa ang gusto naming ma-develop from grassroots hanggang sa elite status. Sa mga susunod na taon asahan ninyong mas maraming taga-Quezon province ang masasama sa National Team, maging professional and world class champion,” sabi ni Tan.
Kasama rin sa koponan sina Zamantha Nolasco, Chenae Basarte, Clydel Mae Catarig, Fiona Naomi Getigan, Weilyn Estoque, Corrine Allyson Apostol, Cristy Ondagan, Aya Densing, Kim Alison Estenzo, Zen Basilio, Fiona Inocentes, Marygrace Borromeo, Sofia Badion , Shekaina Lleses at Shahana Lleses.
“Isa sa mga focal point para sa progreso at pag-unlad ng probinsya ang sports. Pag malakas ang programa mo sa sports, siguradong healthy, responsible, discipline and progressive ang constituent mo. Maraming sports talent sa lalawigan, partikular sa mga malalayong distrito kaya ito ang chance na hindi sila makakuha ng access sa sports, yan ang tutulungan natin,” pahayag ni Cong. Mike Tan.
Ang MPVA ay magbubukas sa unang lingo ng Hulyo.
CLYDE MARIANO