QUEZON’S GAME: ANG KASAYSAYAN NA HINDI ISINALI SA ATING ARALIN

Magkape Muna Tayo Ulit

SAYANG at medyo huli ko na napanood ang pelikulang “Quezon’s Game” na pinagbidahan ng aktor na si Raymond Bagatsing bilang si Pangulong Manuel Quezon. Hindi ko akalain na masasabi ko na kaya pala nating gumawa ng ganitong klaseng pelikula na nag-iiwan ng magandang aral mula sa ating kasaysayan.

Halata nga lang na medyo low-budget ang nasabing pelikula kung ating pagbabasehan ang international mo­vies sa ganitong kalibre. Ang Quezon’s Game ay nakapag-antig sa aking damdamin na pagiging makabayan. Ipinakita sa pelikula na ang ilan sa mga lider ng Filipinas, na nag-umpisa bilang isang commonwealth ng America, ay pursigido na makamtan ang ating kalayaan.

Kasabay nito, lumabas din ang hangad ni Quezon na tunay na kalayaan at kapayapaan ng lahat ng mga naaapi sa mundo. Ang ‘Quezon’s Game’ ay tungkol sa ginawa ng ilang mga indibidwal upang makatulong na palayain ang mga Hudyo o Jews sa pang-aapi ng mga Alimanya na sampalataya kay Adolf Hitler.

Hindi lingid sa atin na milyon-milyon ang pinapatay ni Hitler na mga Hudyo noong panahon ng World War II. Bago pa lamang sumabog ang ikalawang pandaigdigang digmaan, balitado na ang pang-aapi sa mga Hudyo sa Europa.

May isang Amerikanong negosyante ang lumapit kay Quezon upang humingi ng tulong kung maaaring kupkupin ang mga Hudyo sa Fi­lipinas upang makatakas sa tiyak na kamatayan sa mga kamay ni Hitler. Ito ang ipinaglaban ni Quezon sa Kongreso ng Filipinas at Amerika. Nahirapan silang kumbinsihin ang mga ito. Bagama’t marami ang tutol sa planong ito, nagtagumpay ang grupo ni Quezon na makakuha ng 1,200 na Hudyo mula sa Europa na sakop ni Hitler noong mga panahon na iyon. Ayon pa sa na-pagkasunduan ng America at Filipinas, maaari sanang makapagbigay ng 1,000 visas ang Amerika sa mga Hudyo kada taon upang tumira sa ating bansa. Subalit inabot ito ng pagsugod at pagsakop ng mga Hapon sa ating bansa.

Sayang. Ang kasaysayan na ito ay hindi nailagay sa mga ara­ling libro ng mga mag-aaral. Ang mga kasama ni Quezon na tumu-long upang makapagligtas sa tiyak na kamatayan ay mga kilalang perso­nalidad din na nakapag-ukit din ng kasaysayan sa mundo. Ang dating matalik na sundalong kaibigan ni Quezon na tumulong dito ay si Col. Dwight Eisenhower, na naging five-star general sa United States Army at supreme commander ng Allied Expeditionary Forces sa Europe. Si Eisenhower ay nahalal din bilang ika-34 pangulo ng United States mula 1953-1961.

Isa pa rito ay si Paul McNutt na naging high commissioner ng Filipinas sa ilalim ng Commonwealth. Dati siyang gobernador ng Indiana at nagsilbi bilang isa sa mga katiwala nina Pangulong Franklin Roosevelt at Harry Truman. Napamahal si McNutt sa Filipi-nas. Bumalik siya sa Fi­lipinas noong 1955 upang dito na magretiro. Ilang buwan lamang ay nagkasakit siya nang malubha at kinailangan na bumalik sa New York upang gamutin. Namatay si McNutt noong ika-24 ng Marso 1955. Ang magkakapatid na pamilya Frieder ang nag-udyok kay Quezon na kunin ang mga Hudyo sa Europa at dalhin sa Filipinas. Sila ay mula sa Cincinnati, Ohio at may plantasyon ng tabako sa Filipinas. Nawala ang negosyo nila sa ating bansa matapos tayong sakupin ng mga Hapon.

Nananawagan ako sa Dept. of Education na suriin muli ang aralin na Philippine History kung maaaring maisama ang pangyayaring ito. Tulad ng naramdaman ko matapos kong mapanood ang ‘Quezon’s Game’, taas-noo ako na sabihing “Ako ay Filipino!”.

Comments are closed.