PORMAL na tinanggap ni Kevin Quiambao ng De La Salle University ang kanyang Most Valuable Player award sa UAAP Season 86 men’s basketball tournament sa isang seremonya bago ang Game 2 ng UP-DLSU titular showdown kahapon sa Araneta Coliseum.
Nakopo ni Quiambao ang top individual award makaraang magposte ng averages na 16.71 points, 10.86 rebounds, 6.0 assists, 1.93 steals, at 0.86 blocks per game tungo sa 97.0 statistical points.
Si Quiambao ang unang local na tumanggap ng MVP award matapos ni Kiefer Ravena noong 2015. Si Quiambao din ang unang local Lasallian na nagwagi ng top plum magmula nang magawa ito ni Don Allado noong 1999.
Si Quiambao ay sinamahan sa Mythical Five nina Rey Remogat (UE), Evan Nelle (DLSU), Malick Diouf (UP), at Ljay Gonzales (FEU).
Si Francis Lopez ng Fighting Maroons ang itinanghal na Rookie of the Year.