MULING hinimok ni Senador Lito Lapid ang Senado na magpasa ng panukalang batas na nagtatalaga sa Quiapo District bilang National Heritage Zone.
Ang makasaysayang lugar na ito ay kilala sa luma nitong impraestruktura, mayamang kultura, at tahanan ng Minor Basilica ng Black Nazarene.
Sa oras para sa taunang Traslacion, isinusulong ni Lapid ang paglikha ng ikatlong heritage zone sa kabisera, na sumasaklaw sa mga lugar malapit sa Quiapo Church, Plaza Miranda, San Sebastian Church, at Plaza del Carmen.
“Mula pa kahapon ay libo-libo ng deboto at namamanata sa Poong Nazareno ang nagtungo sa Quiapo upang ipahayag ang kanilang pananampalataya. Isa lamang ito sa napakaraming okasyon na patunay sa napakayamang kasaysayan, tradisyon at kultura ng Quiapo na dapat nating pahalagahan at protektahan,” ani Lapid.
Sinabi ni Lapid na ang iminungkahing panukala, na tatawaging “Quiapo Heritage Zone Act,” ay hindi lamang makatitulong sa pagpapanumbalik at pangangalaga sa mga lugar na ito, ngunit lilikha rin ng malawak na hanay ng mga atraksyon mula sa mga pasilidad sa libangan at integridad ng kultura ng Quiapo.
“Dahil kinikilala natin ang kahalagahan ng Quiapo sa ating kultura at kasaysayan, at ‘di matatawarang ambag sa pambansang kaunlaran, dapat lamang ipakita ng pamahalaan ang kanyang pagpapahalaga dito sa pamamagitan ng pagtatakda sa Distrito ng Quiapo bilang isang Historical and Cultural Heritage Zone,” ayon sa mambabatas.
Samantala, binati ni Manila Mayor Honey Lacuna ang lahat ng deboto ng Black Nazarene at Quiapo Church authorities sa tagumpay at payapang pagsasagawa ng ‘Walk of Faith’ para sa Feast of the Black Nazarene.
Pinuri at pinasalamatan ni Lacuna ang Manila Police District (MPD), sa pamumuno ni Director PBGen. Andre Dizon, dahil sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan ng mga dumalo sa lahat ng mga pagtitipon kaugnay ng kapistahan.
“Peaceful siya. Of course, marami ang gusto pa rin ‘yung Traslacion but I think the Church is contemplating on adopting what we did this year. Siguro may tweeking lang kung hanggang saan namin pwede i-stretch yung Traslacion,” sabi ni Lacuna, na personal ding dumalo upang tingnan ang daloy ng mga activities.
Sa kanyang bahagi, pinuri naman ni Dizon ang performance ng security forces, at inilarawan niya ito bilang ‘excellent .’
Sinabi ni Dizon na ang security forces na itinalaga sa Nazareno 2023 activities ay nagmula sa MPD, Northern Police District, Southern Police District, Eastern Police District, Quezon City Police District, Bureau of Fire Protection, Metro Manila Development Authority, Armed Forces of the Philippines, at iba pa.
“Walang nagtangkang manggulo. Ligtas po ang lahat,” pahayag ng nasisiyahang si Dizon.
Ang “Walk of Faith” na ginawa sa halip na ang tradisyunal na ‘Traslacion’ ay dinaluhan ng may 90,000 deboto na naglakad sa itinakdang ruta sa loob ng dalawa’t kalahating oras.
Nagsimula ang ‘Walk of Faith’ ganap na 1:30 ng madaling araw sa Quirino Grandstand at dumating sa Minor Basilica ng Quiapo ganap na 3:46 ng madaling araw.
Hanggang alas-10 ng umaga ang estimated crowd sa Quirino Grandstand mula 12 ng hatinggabi ay nasa 110,000 habang ang Quiapo attendees naman ay 120,000. LIZA SORIANO/ VICKY CERVALES