MUKHANG may kumikita sa Manila City Hall at sa barangay na nakasasakop ng Quiapo nang hindi nalalaman ni Mayor Joseph Estrada. Nagkalat ang mga illegal vendor at mga kuliglig doon na hindi naman hinuhuli ng barangay at ng pulisya.
Nasa 300 ang naiulat na mga illegal vendor ang nagmistulang Occupy Quiapo Movement, version natin ng Occupy Wall Street. Nagmistulang palengke na ang ilang kalye sa Quiapo katulad ng Palanca, Villalobos at Ducos.
Siyempre pa, dinadagsa ng mga mamimili ang mga nasabing kalye, parang pista kapag nadako ka roon, ‘yun lamang talagang siksikan, walang makadaan na sasakyan at ang bangis ng amoy, sobrang lansa at maputik.
Sa mga ulat sa radio na ating na-monitor, sari-saring puna ang ibinabato ng ating mga kababayan, lalo na ang mga motorista ukol sa walang habas na pag-okupa sa public space na ito na ginawang pribado at pagmamay-ari ng ilang mga indibiduwal.
Puwede naman silang maghanap-buhay nang tama, ke-ganda-ganda ng palengke riyan na ipinatayo ni Mayor Joseph Estrada, ang Quinta Market, na bukod sa moderno ay napakalinis pa. Sana ay doon sila magtinda para hindi naman sila nakagagawa ng traffic at nakakadumi ng kapaligiran at mga lansangan.
Sa pagkakaalam ko ay mas mura pa ang upa roon kaysa sa kotong na kanilang binabayaran sa mga makakapal na taga-barangay at city hall.
Sana ay pagbigyan nila ang siyang tama, para rin naman sa kanila ‘yan, mas safe pa sila roon dahil may mga security guard at mabango pa ang mga palikuran.
Makagaganda pa ito sa Siyudad ng Maynila na kaliwa’t kanan na ang puna na napakadumi raw na lungsod. Paminsan nga ay importante rin na naiikot ng ating nirerespetong alkalde ang kanyang siyudad upang malaman niya na puro pambobola lamang ang iniuulat sa kanya ng mga alipores niya.
Comments are closed.