QUIBOLOY, ALICE GUO ‘DI LULUBAYAN NG DILG, PNP

NILINAW kahapon ng Department of the Interior and Local Government at maging ng pamunuan ng Philippine National Police na hindi nila nilulubayan ang pagtugis at paghahanap sa mga bigtime wanted personalities gaya ni Appointed Son of God Pastor Apollo Quiboloy at POGO famed Bambam Mayor Alice Guo.

Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos  na patuloy nilang tutugisin ang puganteng Pastor ng Kingdom of Jesus Christ at maging ang pinatalsik na mayor ng Bamban na si   Alice Guo para papanagutin sa batas.

Ayon kay SILG Abalos, malaking personalidad man o maliit ay hindi nila sasantuhin at ito ay kanilang hahanapin.

Ipinagmalaki rin ni Abalos na nakapaghain sila ng demanda laban sa  Kingdom of Jesus Christ matapos ang isinagawang raid sa lugar nito.

Si Quiboloy ay nahaharap sa patong-patong na kaso partikular na sa paglabag sa Republic Act (RA) No.7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act, at maging sa RA No. 9208 o Qualified Human Trafficking.

Naglabas na rin ang korte ng warrant of arrest para sa mga nabanggit na kaso.

Patuloy din na hinahanap ngayon si Guo na sangkot naman sa mga ilegal na aktibidad ng POGO sa bansa partikular sa kanilang bayan.

Kamakailan ay umani ng batikos ang DILG at PNP kung bakit nahihirapan ang mga awtoridad na mahuli ang naturang mga malalaking personalidad ngunit kabaliktaran ito sa mga maliliit na tao lamang.

VERLIN RUIZ