NANINIWALA ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na papayuhan ng kanyang mga legal adviser si Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy, ang self proclaimed “appointed son of God” na itinuturing ngayong “fugitive of the law”.
Ito ay matapos na inihain ng pinagsanib na puwersa ng PNP at National Bureau of Investigation (NBI) ang inilabas na warrant of arrest ng Davao Regional Trial Court Branch 12 laban sa embattled evangelist Pastor Quiboloy na wanted din sa United States Federal Bureau of Investigation.
Nabatid pa na agad na nagbuo ng tracker team ang PNP para tumulong sa iba pang government agency na naghahanap Quiboloy para pasagutin sa ibinibintang na kasong child abuse.
May mga lumabas na ulat na nagmamay-ari ng mga mamahalin at matataas na kalibre ng baril ang “self proclaimed son of God” Pastor Apollo Quiboloy.
Sa naging pahayag ni Police Regional Office 11 Director, Brigadier General Alden Delvo sa Kampo Crame, sinabi nito na dapat personal na humarap si Quiboloy para maproseso ang kanyang warrant.
Sinabi pa ni Delvo na bilang bahagi ng Standard Operating Procedure, may binuo na silang tracker team para tuntunin ang kinaroroonan ni Quiboloy at maisilbi ang mandamyento de aresto.
Kahapon, nakapaglagak na ng piyansa ang tatlo sa limang kasamahan ni Quiboloy sa kaso matapos sumuko sa mga awtoridad habang patuloy na pinaghahanap ang dalawang iba pa.
Naniniwala rin si Delvo na nasa Pilipinas pa si Quiboloy at tiwala siyang darating ang araw na lulutang ito oras na makumbinsi ng kaniyang mga abogado. VERLIN RUIZ