TUTOL si Senador Robin Padilla sa imbestigasyon ng Senado laban sa pinuno ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Apollo Quiboloy.
Sinabi ni Padilla na hindi niya susuportahan ang imbestigasyon laban kay Quiboloy, at sinabing ito ay “kaso ng mga Amerikano.”
“Kaso ng Amerikano yon. Kaso na Amerikano ‘yung kay Pastor. Ano yon? Parang ICC (International Criminal Court) din? Sunud-sunuran na naman tayo sa dayuhan? Ganon ba ang dating noon?” ayon sa senador.
Bagama’t sinabi niyang karapatan ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros na ituloy ang naturang pagsisiyasat, sinabi ni Padilla na hindi niya susuportahan ang mga alegasyon na nagmula sa imbestigasyon ng mga dayuhang korte.
“Kami, ako lalo, nangangati ako pagka kaso ng puti e… Na-o-offend si [Andres] Bonifacio. Ayoko talaga. Pero kung sa Pilipinas, wala akong magagawa. Pilipino ‘yon e. Kung pagbabasehan natin ay korte ng ibang bansa, no way,” sinabi ni Padilla.
Ani Padila, kailangan imbestigahan ang mga witness kung nagsasabi ang mga ito ng totoo.
“Kailangan nating imbestigahan ang mga witnesses kung sila ay nagsasabi ng totoo. Ang tagal naman ninyo na nanonood ng hearing dito. Kakaunti ang witness na nagsasabi ng totoo dito…
Magsasabi ng statement ngayon, kinabukasan iba na ‘yung statement,” ayon sa mambabatas.
LIZA SORIANO