(Ni CHE SARIGUMBA)
SA ano mang panahon, hindi puwedeng wala tayong pinagsasaluhang pagkain. Pero sa tindi ng init ng panahon, kung minsan ay kinatatamaran natin ang magluto o ang magtagal sa kusina.
Hindi nga naman kasi madali ang magluto lalo na ngayong mainit ang panahon.
Marami kasing lutuin ang madaling masira lalo na kung hindi ito pinag-ingatan.
Sa ganitong summer din ay tumataas ang kaso ng food poisoning kaya’t napakahalagang maging maingat tayo sa paghahanda ng pagkain. Unang-una, kailangang siguraduhing malinis ang mga kamay. Ikalawa, linisin ang lahat ng mga kasangkapang gagamitin, gayundin ang karne, gulay at isda. Huwag ding gagamit ng iisang sangkalan para sa paghihiwa ng karne, isda at gulay.
At dahil isa sa mahirap gawin ay ang pag-iisip ng samu’t saring lutuin ngayong summer na magugustuhan ng pamilya, narito ang ilan sa ideya na bukod sa napakadali lang lutuin, masarap pa:
ROASTED EGGPLANT AND TOMATO PASTA
Sa mga mahihilig sa pasta at eggplant, isa sa maaari ninyong subukan ang Roasted Eggplant and Tomato Pasta.
Ang mga sangkap na kakailanganin sa paggawa nito ay ang eggplant o talong, asin, paminta, bawang, olive oil o kahit na anong klase ng cooking oil na mayroon kayo, kamatis, penne pasta at parmesan cheese.
Sa paggawa naman, hugasang mabuti ang eggplant o talong saka ito hiwain.
Kapag nahiwa na, budburan na ito ng asin at paminta. Hugasan na rin at hiwain sa gitna ang kamatis. Itabi na munang panandali.
Samantala, painitin naman ang oven at lagyan ng olive oil ang gagamiting baking sheet.
Pagkatapos ay durugin ang bawang at ilagay ito sa maliit na lutuan. Lagyan na rin ng 1/4 na tasang olive oil. Sindihan ang kalan nang ma-saute ng bahagya ang bawang. Kapag okey na, patayin na ang apoy.
Pagkatapos ay i-arrange o ilagay sa baking sheet ang mga hiniwa-hiwang kamatis at talong. Pahiran ito ng ginawang garlic-olive oil mixture. Ilagay na sa oven hanggang sa bahagyang magkulay brown ang paligid ng kamatis at talong. Baliktarin ang gulay at pahiran ulit ng garlic-olive oil mixture at hintaying magkulay brown o maluto ng bahagya ang mga ito.
Kapag naluto na ang talong at kamatis, tanggalin na ito at isama sa penne pasta. Isama na rin ang natirang garlic-olive oil mixture.
Budburan ng parmesan cheese bago ihanda.
GRILLED CHICKEN TACOS
Dahil marami sa atin ang mahilig sa chicken, isa pang recipe ang swak ihanda sa pamilya ngayong summer ang Grilled Chicken Tacos.
Ang mga sangkap naman sa paggawa nito ay ang bawang, sibuyas, boneless chicken thighs, vegetable oil, asin, paminta, corn tortillas at kamatis na hiniwa ng pino.
Paraan ng pagluluto:
Simpleng-simple lang din ang paggawa ng Grilled Chicken Tacos.
Ihanda lang ang mga gagamiting sangkap, gayundin ang mga kasangkapan sa pagluluto.
Kapag naihanda na ang lahat ng ingredients, pagsamahin naman sa isang lalagyan ang hiniwa-hiwang bawang, sibuyas, cooking oil, asin at paminta. Samantalang ang chicken naman ay pahiran ng asin at paminta nang magkalasa. Kapag may lasa na ang chicken, i-grill na ito. Matapos i-grill ang chicken, puwede na itong hiwain ng naaayon sa nais na laki. At puwede na itong i-serve sa buong pamilya kasama ang ginawang sauce o salsa at ang corn tortilla.
At dahil masarap mag-grill kapag tag-init o summer, swak na swak nga naman ang Grilled Chicken Tacos.
Sa totoo lang ay napakarami nating puwedeng ihanda ngayong summer na siguradong magugustuhan ng ating pamilya. Mga madadaling lutuin gaya na nga lang ng ibinahagi namin sa inyo.
Kaya naman, ano pang hinihintay ninyo, subukan na ang dalawang nabanggit na recipe. Tiyak magugustuhan ito ng buong pamilya.
Simple nga lang naman, napakasarap pa! (photo credits: foodlustpeoplelove.com, foodandwine.com, cookscountry.com)
Comments are closed.