NAKOPO ni Daniel Quizon, isang 20-year-old chess prodigy mula sa Cavite, ang prestihoyosong Grandmaster (GM) title, ang ika-17 sa kasaysayan ng Pilipinas.
Nakamit ni Quizon ang titulo makaraang gapiin si Grandmaster Igor Efimov at malampasan ang 2500-rating threshold sa 45th FIDE Chess Olympiad na ginanap sa Budapest, Hungary nitong Linggo.
“I am so happy,” sabi ni Quizon.
Ito ang unang pagkakataon magmula noong 2011 na isang Pilipino ang ginawaran ng GM title, ang huling honorees ay sina Oliver Barbosa at Richard Bitoon. Ang nag-iisang woman grandmaster mula sa Pilipinas ay si Janelle Mae Frayna, na nakuha ang kanyang titulo noong 2017.
Noong 2018 ay nakopo ni Quizon ang International Master (IM) title makaraang magwagi sa Eastern Asian Juniors Open Championships sa South Korea. Bagama’t nabigo siya sa podium finish sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games, patuloy na nagpasiklab si Quizon sa pagwawagi ng gold sa Eastern Asia Youth Chess Championships sa parehong taon,
Nagpatuloy ang kanyang landas sa GM status nang magkuwalipika siya para sa Chess World Cup noong 2021.
Nakuha niya ang kanyang unang GM norm noong February 2023 sa AQ Prime ASEAN Chess Championship at ang kanyang pangalawa noong December ng parehong taon sa Eastern Asia Juniors and Girls Chess Championship.
Nakopo niya ang kanyang final GM norm noong March 2024 sa Hanoi Grandmaster Chess Tournament.
Bukod sa cash incentives na ipagkakaloob ng Philippine Sports Commission, si Quizon ay tatanggap din ng P1 million mula kay Dasmariñas Mayor Jenny Barzaga.
CLYDE MARIANO