QUIZON HARI SA PH CHESS TILT

IM Daniel Quizon King of PH Chess Tilt

GINULANTANG ni International Master Daniel Quizon si Grandmaster John Paul Gomez sa  final round upang pagharian ang Philippine National Chess Championship nitong Linggo sa Marikina Community Convention Center.

Tinalo ng 19-year-old mula Dasmariñas City, Cavite si Gomez sa 32 moves ng King’s Indian duel upang tumapos na may  9.5 points sa 14-player event.

Naibulsa niya ang P120,000 cash prize at ang isa sa tatlong berths sa national team na sasabak sa Chess Olympiad sa Budapest, Hungary sa Sept. 10-23.

Ito ang ikalawang national title para kay Quizon, na nagwagi rin sa torneo nang idaos ito sa Lapu Lapu City, Cebu, tatlong taon na ang nakalilipas.

“I am happy that I became a champion again and will be able to play in the Olympiad,” sabi ni Quizon, na sumabak lamang sa online version ng Olympiad, dalawang taon na ang nakalilipas, matapos ang kanyang final match.

Samantala, nakipag-draw si IM Jan Emmanuel Garcia kay 14-year-old FIDE Master Christian Gian Karlo Arca matapos ang 30 moves ng isang English encounter para magkasya sa second place na may 9 points habang nakopo ni Woman GM Janelle Mae Frayna, na pinayuko si Samson Chiu Chin Lim III sa 33 moves ng English Opening, ang ikatlong puwesto na may 8.5 points.

Tumanggap sina Garcia ng P75,000 at Frayna ng P50,000 subalit ang mas mahalaga ay ang dalawang iba pang  Chess Olympiad slots.

CLYDE MARIANO