QUOTA SYSTEM SA DRUG OPS TINULDUKAN NA

NILINAW ni Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Administration, Lt. Gen. Rhodel Sermonia na matagal nang tinuldukan ang quota system sa anti-illegal drug operations ng pulisya.

Ayon kay Sermonia, kasama sa unang direktiba ni PNP Chief Gen Benjamin Acorda Jr ang pag-alis sa quota system ng mga pulis.

Ito ang sistema kung saan accomplishments ang basehan para sa performance at promotion ng mga pulis.

Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni Sermonia na natalakay na nila sa Department of Justice ang pagbuwag sa quota system.

Nabatid na kaya nagkakaroon ng problema sa operasyon ang mga pulis tulad nang nangyari sa Navotas City ay dahil sa quota system.

COMMAND RESPONSIBILITY
SA JEMBOY CASE LUMAWAK
PINAG-AARALAN na ng National Police Commission ang lawak ng command responsibility sa pagkabaril ng mga pulis sa 17-anyos na napagkamalang murder suspect.

Sa press conference kahapon sa Camp Crame, inamin ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. na siya ring Napolcom Chairman, na posibleng umabot pa sa mas matataas na opisyal ang command responsibility sa Navotas shooting incident kung saan napatay ng mga pulis ang si Jemboy Baltazar.

Ayon kay Abalos, lahat ng nangyari sa Navotas ay mali at kasalukuyang tinutukoy ng imbestigasyon kung sino ang pinakamataas na opisyal na dapat managot sa ilalim ng doktrina ng command responsibility.

Na-relieve na ang lahat ng tauhan ng Navotas City Police Sub-station 4 kasama ang 6 na pulis na direktang sangkot sa insidente, dalawang team leader at 11 na iba.

Sa pulong balitaan, sinabi naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director BGen. Jose Melencio Nartatez na inatasan na niya ang Northern Police District Director na tutukan ang imbestigasyon sa insidente.

Ayon kay Nartatez, napakaraming kuwestyon sa operasyon ang dapat ipaliwanag katulad ng kawalan ng footage sa body cam, ang hindi pagsasagawa ng paraffin test sa mga pulis na nakabaril sa biktima, ang hindi pagresponde sa biktima, at iba pang anomalya. EUNICE CELARIO

2,304 PULIS NAPARUSAHAN
Samantala, iniulat naman ni Department of Interior and Local Government Secretary at Napolcom Chairman Atty. Benjamin Abalos Jr. . na 2,304 pulis ang napatawan ng kaparusahan sa paglilinis ng hanay ng PNP sa loob ng termino ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Kabilang dito ang 583 ang na-dismiss sa serbisyo, 129 ang na-demote at 978 ang nasuspinde mula Hulyo 1, 2022 hanggang Agosto 2, 2023.

Habang 424 naman ang na-reprimand, 81 ang na-forfeit ang sahod, 61 ang naging subject ng restriction at 48 ang na withhold ang prebilehiyo sa loob ng naturang panahon.
EUNICE CELARIO