NITONG nakaraang linggo ay umani ng batikos mula sa mga netizen sa social media at naging mainit na usapin ang napabalitang paglaya umano ni dating Calauan Mayor Antonio Sanchez sa New Bilibid Prison.
Maliwanag sa isyu ng dating alkalde na hindi siya qualified sa good conduct time allowance (GCTA) o RA 10592 kung kaya hindi siya makakasa-ma sa humigit kumulang sa 11,000 na mapapalaya ngayong taon.
Natuldukan na ang usaping ito dahil nagsalita na si Justice Secretary Menardo Guevarra at nagsalita na rin ang Pangulong Rodrigo Duterte na hindi dapat makalaya ang sinumang akusado na sangkot sa karumal-dumal na krimen, kaya tapos na ang isyung ito.
Katunayan, ipinag-utos ni Sec. Guevarra sa Bureau of Corrections na suriing mabuti, busisiin talaga kung sino ‘yung qualified at sino ‘yung eligible at sino ‘yung hindi qualified, kaya huwag na nating pag-usapan.
Bilang vice chair ng Committee on Justice sa Kamara, nais ko na muling suriin ang mga patakaran ng board of parole hinggil sa RA 10592 o good conduct time allowance at kung kinakailangan na repasuhin ang naturang batas ay nakahanda tayong tumulong para ayusin ang mga probisyong naka-paloob dito.
Sa mga nangyayaring krimen ngayon sa ating bansa, panahon na siguro para muling ibalik ang parusang bitay upang mapanagot sa mga gumagawa ng malubhang krimen gaya ng pagyurak sa mga karapatang pantao.
Hindi makatuwiran na palayain si Sanchez dahil sa isang bagong batas na naglalayong bigyan ng pangalawang pagkakataon ang mga bilanggo. Gumawa siya ng isang karumal-dumal na krimen at nahatulan siya ng pitong habambuhay na pagkakakulong. Kung may parusang bitay sa panahong nahatulan siya ng korte, malamang matagal na itong naisalang sa execution chamber dahil sa heinous crime niyang ginawa.
Sa ganang akin, hindi na dapat pinag-uusapan itong si Sanchez kasi disqualified na talaga siya. Mas mahalagang mabigyang ng pangangalaga ang lipunan laban sa kanyang mga baluktot na paniniwala at gawain noong nasa laya pa siya. Hayaan na lang natin na ang DOJ at Korte Suprema ang magpasiya kung ano ang nararapat gawin sa naudlot niyang paglaya.
Comments are closed.