RADIO BELL NAGHARI SA PHILRACOM 3RD LEG TRIPLE CROWN STAKES RACE

NAGLAHONG parang bula ang pangarap na kasaysayan ng kampo ng liyamdong Basheirrou nang dominahin ng Radio Bell ang huling leg ng 2022 PHILRACOM Triple Crown Stakes Race nitong Linggo sa Sta. Ana Park sa Naic, Cavite.

Hindi lamang inagaw ng Radio Bell ang atensiyon bagkus winasak nito ang pinaghandaang selebrasyon ng tropa ng Basheirrou na abot-kamay na ang pangarap na maging bahagi ng kasaysayan ng pinakamalaki at prestihiyosong karera sa bansa matapos makaopo ang panalo sa una at ikalawang leg ng Triple Crown Series.

Tila may kaakibat na alat ang numero 13 para sa Basheirrou na handa nang sundan ang yapak at tagumpay ng 12 alamat na nakagawa ng pambihirang sweep sa torneo.

Muling nasilayan ang husay ni dating Philippine Sportswriters Association (PSA) Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez, nang masikap niyang maipuwesto ang Radio Bell, mula sa lahi ng Sakima at Radioactive Love, sa unahan mula sa mabagal na simula sa likod ng Gomezian at top favorite Basheirrou.

“Masayang-masaya po ako sa pagkapanalo ko sa 2022 PHILRACOM 3rd Leg Triple Crown Stakes Race,” sabi ni Hernandez.

Sa kalagitnaan ng karera ay unti-unting umusad papalapit sa unahan ang pag-aari ng Bell Racing Stable upang makaungos sa huling kurbada ng karera.

Tinawid ng Radio Bell ang meta ng may anim na kabayong agwat sa pinakamalapit na karibal na Jungkook sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.

Inihanda ni Donnie Sordan, inirehistro ni Radio Bell ang 2:07.6 minuto sa 2,000-meter race sapat upang hamigin ang P2.1-M premyo, habang napunta ang P787,500 sa second placer na Jungkook.

Terserong dumating sa finish line ang Enigma Uno at pang-apat ang Gomezian, na nakapag-uwi ng P437,500 at P175,000, ayon sa pagkakasunod.

EDWIN ROLLON