KASALUKUYANG inoobserbahan ang isang radio commentator na isa ring government employee makaraang ambusin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Tagum City, Davao del Norte kahapon.
Sa inisyal na report ng Tagum City Police Office, pinagtangkaang patayin ng nag-iisang gunman ang biktimang si Pat Lucero-Pacquiao, 54-anyos, commentator ng 99.9 RP-FM at information officer ng Davao del Norte Provincial Information Communication and Knowledge Management Office.
Sa imbestigasyon ng mga pulis, sakay ang biktima ng kanyang kotse nang maganap ang pamamaril.
Lumilitaw na may dinalaw si Pacquiao sa Visayan Village, Tagum City at habang lulan ng kanyang sasakyan ay dinikitan ito ng suspek at pinagbabaril sa loob.
Subalit, naging alerto umano ang biktima at nagawa niyang maiwasan ang unang putok at nagawa pa niyang mapasibat ang sasakyan palayo kaya sa bahaging likuran ito nahagip ng punglo.
Hinala ng mga pulis na may kaugnayan sa kanyang hanapbuhay bilang mamamahayag ang isa sa motibo sa pananambang.
Kaugnay nito tuloy-tuloy ang ginagawang imbestigasyon ng awtoridad hinggil sa kaso. VERLIN RUIZ
Comments are closed.