RADIO BROADCASTER NILIKIDA

MISAMIS ORIENTAL-KASALUKUYANG nagsasagawa ng imbestigasyon ang Cagayan de Oro city PNP sa kaso ng nilikidang radio broadcaster ng mga hindi pa nakikilalang salarin.

Batay sa ulat, patay sa pamamaril ang biktimang si Federico “Ding” Gempesaw, isang radio broadcaster at driver ng isang taxi.

Lumitaw sa pagsisiyasat na pumarada ang biktima sakay ng kanyang minamanehong taxi sa harap ng kanyang bahay nang dikitan ng hindi pa nakikilalang salarin at saka ilang ulit na pinaputukan.

Kinumpirma ng mga imbestigador ang salaysay ng ilang testigo na binaril si Gempesaw ng armadong lalaki matapos na bumaba ng sasakyan.

Agad na tumakas ang salarin matapos ang pamamaril sakay ng isang motorsiklo.

Maliban sa pagiging anchor sa isang block time radio program, napag-alamang aktibo rin itong mi­yembro ng isang local political party sa lungsod at dating head sa isang departamento ng city hall.

Patuloy pang inaalam ng pulisya ang motibo sa pamamaril. VERLIN RUIZ