Mga laro ngayon:
(Ninoy Aquino Stadium)
5 p.m. – Converge vs NorthPort
7:30 p.m. – NLE vs San Miguel
SUMANDAL ang Rain or Shine sa malaking fourth quarter surge upang makaulit sa Phoenix Super LPG, 122-107, at makabalik sa trangko sa PBA Governors’ Cup kagabi sa Ninoy Aquino Stadium.
Sinindihan nina Caelan Tiongson, Andrei Caracut at Gian Mamuyac ang apoy habang nagdagdag sina Adrian Nocum at Aaron Fuller ng init sa 24-4 run mula sa 95-97 deficit na nagbigay sa Elasto Painters ng 119-101 kalamangan, may 1:22 ang nalalabi.
Sa huli, naduplika ng Rain or Shine ang 116-99 panalo sa parehong koponan sa una nilang paghaharap upang umangat sa 5-1 kartada sa Group B at lumapit sa quarterfinals.
Tumapos si Nocum na may 16 points at career-high 10 rebounds para sa kanyang unang career double-double habang nalusutan ni Fuller ang foul trouble upang tumapos na may 16 at 11 sa pangunguna sa bounce-back win ng E-Painters mula sa 112-113 loss sa San Miguel Beer noong Huwebes.
Nag-ambag si Mamuyac ng 14 points, tampok ang back-to-back triples habang limang iba pang Rain or Shine players ang umiskor ng hindi bababa sa 10 points.
Nanguna si Brandone Francis sa lahat ng scorers na may 31 points subalit umiskor lamang ng 2 points sa fourth period kung saan 1-of-6 lamang siya mula sa field at ang Phoenix ay na-outscore ng 13 tungo sa pagbagsak sa 0-6 kartada.
Sinabi ni winning coach Yeng Guiao na maaaring napagod na si Francis. “We really had a hard time containing the import in the first half. Prolific scorer talaga, eh,” aniya.
“So we just tried to work hard on making his shots more difficult, try to make him less efficient, ’cause we know he’s going to score anyway,” dagdag pa ni Guiao.
“We feel that at some point he’s gonna get tired, at some point his percentages are gonna go down. ‘Yun nga, nangyari ng fourth quarter. Siguro napagod na rin siya.”
Naitala ni Jason Perkins ang kanyang sariling double-double na 22 points at 10 rebounds at nag-ambag si Kai Ballungay ng 11 markers para sa Fuel Masters, na humabol mula sa 54-64 deficit upang gawing dikit ang laban sa kaagahan ng fourth.
CLYDE MARIANO
Iskor:
RAIN OR SHINE (122) – Nocum 16, Fuller 16, Mamuyac 14, Asistio 13, Caracut 12, Tiongson 12, Lemetti 12, Clarito 10, Ildefonso 6, Santillan 5, Borboran 2, Datu 2, Escandor 2, Belga 0.
PHOENIX (107) – Francis 31, Perkins 22, Ballungay 11, Rivero 9, Garcia 8, Siyud 8, Jazul 4, Muyang 4, Alejandro 3, Tio 2, Mocon 2, Verano 2, Salado 1, Manganti 0, Tuffin 0, Daves 0.
QUARTERS: 31-33, 64-57, 87-85, 122-107