RAIN OR SHINE NAIS IBALIK ANG PAGIGING CHAMPION TEAM

on the spot- pilipino mirror

NAGING panauhin ng Sports Tsika Dora ng bayan si Rain or Shine head coach Chris Gavina noong nakaraang Friday.

Napag-usapan ang Elasto Painters team na nais ni coach Gavina,  katulong ang mga player at ang balik-import sa PBA na si Henry Walker, na muling mag-champion.

Si Walker ay dumating na sa bansa at kasalukuyang naka-quarantine ang 6’6 player. Pagkatapos ng tatlong araw na quarantine ay makakasama na ito ng ROS sa kanilang ensayo sa Reyes gym.

Naging import ng Blackwater si Walker noong 2009, kung ‘di ako nagkakamali. Malaki umano ang maitutulong ng import sa team lalo na’t isa itong shooter. Nangako ang import na ibibigay niya ang lahat ng kanyang makakaya upang matulungan ang Ran or Shine na maibalik ang pagiging champion team.

Ang huling kampeonato ng RoS ay noong 2016 pa, sa Commissioner’s Cup kung saan si coach Yeng Guiao pa ang kanilang head coach.

Halos limang taon na rin ang nakararaan na hindi nakakapag-champion ang Elasto Painters nina Boss Raymund Yu at Boss Terry Que.

Very inspired ang mga player  ni coach Gavina dahil tuloy na tuloy na ang pagbubukas ng PBA 46th season 2nd conference sa Dec  5 sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

Samantala, extended si Beau Belga ng dalawang taon sa koponan.

Sa top 6 teams na malakas, ayon kay coach Chris, ay number one para sa kanya ang TNT Tropang Giga, kasunod ang Magnolia Hotshots, San Miguel Beermen, Meralco Bolts,  Ginebra Gin Kings at NLEX Road Warriors.

vvv

Hindi pa nga tapos ang pagpapalakas ng Ginebra at ng San Miguel Beer. Mainit ngayon ang usapan na gustong kunin  ng Gin Kings si Terrence Romeo para magkaroon ito ng legitimate outside shooter, o si Marcio Lassiter. Ang malaking katanungan lang dito ay sino ang puwedeng ibigay ng Ginebra kapalit ni Lassiter o Romeo. Siguradong hindi papayag basta-basta ang kapalit kung sino kina Terrence at Marcio ang makuha ng kampo ni coach Tim Cone.

Siyempre ay hindi puwedeng direkta ang trade ng mag-sister team. May ibang team na naman silang gagamitin upang matuloy ang trade na ito. Abangan na lamang natin.