NAITALA ni Adrian Nocum ang 13 sa kanyang 28 points sa second quarter at sa wakas ay nakopo ng Rain or Shine ang kanilang unang panalo sa PBA Philippine Cup makaraang pataubin ang Phoenix, 100-85, nitong Linggo sa Ynares Center sa Antipolo City.
Nagdagdag si Beau Belga ng 21 points at 11 rebounds para sa Elasto Painters, na pumasok sa win column matapos ang 0-4 simula sa conference.
Pumutok si Nocum sa second quarter at na-outscore ng Rain or Shine ang Phoenix, 25-12, upang kunin ang kalamangan at hindi na lumingon pa.
Nahulog ang Phoenix sa 1-3.
Nagsalpak din si Nocum ng 5-of-9 mula sa tres, habang nag-ambag ng 7 rebounds, 6 assists, at 2 steals. Ang kanyang point production ay kulang lamang ng isa upang mapantayan ang kanyang career best.
Naitarak ng Rain or Shine ang malaking kalamangan sa third matapos ang 9-0 simula para sa 56-41 bentahe, at nalusutan ang late rally ng Phoenix na tumapyas sa deficit sa anim sa fourth.
“Previous losses namin, we’ve had pretty close games except ‘yung sa San Miguel pero before that, we couldn’t close out games,” sabi ni Rain or Shine coach Yeng Guiao.
“For a while, I was worried na baka maulit ‘yung last conference na 0-5 pero at least, 1-4, may improvement ng konti,” sabi pa ni Guiao.
Nag-ambag si Jhonard Clarito ng 19 points para sa Elasto Painters.
Tumipa si Ricci Rivero ng 16 points para sa Fuelmasters, na naglaro na wala si Jason Perkins.
CLYDE MARIANO
Iskor:
Rain or Shine (100) – Nocum 28, Belga 21, Clarito 19, Santillan 8, Caracut 6, Belo 5, Mamuyac 4, Borboran 4, Norwood 3, Ildefonso 2, Asistio 0, Demusis 0.
Phoenix (85) – Rivero 16, Jazul 11, Tuffin 10, Verano 10, Manganti 7, Mocon 6, Alejandro 6, Muyang 5, Daves 4, Salado 3, Camacho 2, Lalata 0.
QS: 22-29, 47-41, 78-66, 100-85.