RAINY DAY ACTIVITIES

RAINY DAY ACTIVITIES-1

(ni CT SARIGUMBA)

NAKATATAMAD nga namang gumalaw-galaw kapag malamig ang panahon. Pero dahil maraming pamilya ang nagkakaroon lang ng panahong mag-bonding kapag weekend, kahit na nagsusungit ang paligid ay hindi ito nagiging hadlang upang magawa nila ang mga bagay na makapagpapaligaya sa kanila.

Kunsabagay, marami nga namang activities na maaaring gawin sa loob ng bahay kahit na maulan ang paligid. Ilan sa mga iyan ay ang sumusunod:

MAGHANDA NG MAIINIT NA INUMIN AT NAKATATAKAM NA PAGKAIN

Para nga naman makapag-relax tayo kapag walang pasok sa trabaho o eskuwelahan at kompleto ang pamilya, isa sa lagi nating ina­abang-abangan ay ang pagsasaluhang pagkain at inumin.

Kapag buo ang pamilya, espesyal ang inihahanda natin. Nais nating maging kakaiba ang bonding ng buong pamilya. Kaya’t marami sa atin ang nag-iisip ng iba’t ibang putaheng ihahanda.

Dahil malamig ang panahon, napakainam ng paghahanda ng mga inuming maiinit upang mainitan din ang pakiramdam. Kung mahilig kayo sa hot chocolate, puwede kayong gumawa nito at pagsaluhan habang nagkukuwentuhan o nanonood ng nakatutuwang palabas.

Nakare-relax din kasi ang panonood ng mga nakatatawang palabas.

Kung mahilig naman sa kape ang buong pamilya, isa ring option ang paggawa ng flavored coffee. Swak na swak ang mga ganitong inumin ngayong malamig ang panahon. Mainam din itong partneran ng mga matatamis na pagkain o kaya dessert gaya ng cupcakes at cookies.

MAG-STORY TELLING

Isa rin sa activity na maaaring gawin lalo na kung may mga bata ay ang story telling o ang pagbabasa ng magagandang libro.

Malaki ang naitutulong ng pagbabasa sa kahit na sino upang ma­dagdagan ang kanyang kaalaman at maging matalas ang isipan.

Kaya’t kung buo ang pamilya, mag-story telling kayo.

Kung mag-isa ka lang naman, sabihin na nating malayo ka sa pamilya mo, puwede ka ring magbasa ng libro. Dahil malamig ang panahon at nakatatamad ang tumayo sa kama, puwedeng-puwede kang manatili roon at kumuha ng magandang libro at magbasa.

Napakaraming klaseng libro ang puwedeng pagpilian mula sa nobela, sanaysay, poetry at maikling kuwento.

MOVIE MARATHON

Sa magkakapamilya at magkakabarkada, isa ring mainam gawin ang panonood ng kinahihiligang palabas.

Marami sa atin ang mas pinipiling mag-movie marathon sa bahay kaysa ang magtungo sa sinehan. Kung titingnan nga naman kasi natin, may kamahalan din ang bayad sa pano­nood ng sine at kung marami pa kayo, mapalalaki ang gastos ninyo kumpara kung sa bahay lang kayo manonood.

Puwede kayong mag­luto ng popcorn o mani nang may mapagsaluhan. O kaya naman, bumili ng nachos at gumawa ng dip na swak sa panlasa ng buong pamilya o magkakabarkada.

MAG-RELAX AT IPAHINGA ANG SARILI

Bawat isa sa atin ay kailangang ipahinga ang sarili’t isipan. Hindi puwedeng tuloy-tuloy lang tayo sa pagtatrabaho dahil tiyak na mapapagod tayo.

Sabihin man nating mahal natin ang ating trabaho, dumarating pa rin ang panahong nabu-burnout tayo.

Kaya para maiwasan ang burnout sa trabaho, maglaan ng panahong magpahinga—mag-isa man o kasama ang buong pamilya.

Mainam ang pagpapamasahe lalo na kung medyo nananakit ang katawan at nai-stress sa trabaho. Kung ayaw namang lumabas ng bahay pero nais pa ring ma-relax ang kabuuan, swak ang paglalagay ng face mask, o kaya naman ay ang pagbibigay ng atensiyon sa mga kuko sa paa at kamay.

Marami sa atin ang dahil sa kaabalahan, halos hindi na nakapaggugupit at nakapaglilinis ng kuko, mainam itong gawin kapag nasa bahay lang o kapag weekend at walang trabaho sa opisina o walang pasok sa eskuwelahan.

Puwede rin namang matulog lang ng buong araw upang makabawi ng lakas.

Madalas, sa rami ng nakaatang sa ating gawain ay hindi na natin napagtutuunan ng pansin ang ating sarili.

Gayunpaman, gaano man tayo kaabala ay huwag nating kaliligtaan ang ating sarili. Sa panahon kasing burnout tayo, nakadarama ng pagod at stress ay hindi lamang trabaho ang apektado gayundin ang ating pamilya.

Kaya naman, inga­tan natin ang ating sarili nang maingatan din natin ang mga mahal natin sa buhay. (photos mula sa inspiralist.com, redbookmag.com, zivejzdravo.mk)

Comments are closed.