Tag-ulan na naman. Marahil ang iba sa atin ay nagpapasalamat dahil kahit papaano ay nakadama ulit tayo ng kaginhawaan matapos ang sobrang init ng paligid. Kayhirap nga namang gumalaw-galaw kapag mainit ang paligid. Nakatatamad din. At kapag sobrang init ng panahon, inaasam-asam nating sana ay umulan naman nang lumamig ang paligid.
Ito na nga’t nagsisimula na ang paglamig ng paligid. May mga araw na ring bumubuhos ang ulan. Kapag naman ganitong tag-ulan, isa naman sa pinoproblema ng marami ay ang kanilang mga susuotin. Kahit nga naman tag-ulan, maganda pa ring pumorma. Hindi naman porke’t tag-ulan ay iiwasan na rin nating maging fashionista.
Marami pa ring mga damit o outfit ang swak kahiligan kapag tag-ulan. Mga outfit na kapag isinuot natin ay lutang na lutang pa rin ang ating pagiging fashionista. Pero isa sa pinoproblema ng marami ay ang sapatos. Kapag kasi tag-ulan, hindi naiiwasan ang mabasa. At kapag nabasa pa naman, puwede itong magkaamoy at ang masaklap pa ay maaari itong masira.
Ang mga Filipino pa naman ay masyadong pihikan pagdating sa pagpili ng susuotin– mapalalaki man o babae. Imposibleng hindi maputikan at mabasa ang ating outfit lalo na ngayong tag-ulan. At para maprotektahan ang sapatos, narito ang ilang tips na puwedeng isaalang-alang:
KUNG LEATHER SHOES ANG GAMIT
Kung hindi naiwasang mapalusong sa baha at leather shoes ang suot, agad itong hubarin at patuyuin gamit ang isang tela bilang pamunas o diyaryo.
Ang diyaryo ay maaaring gamiting pansipsip ng tubig na pumasok sa iyong sapatos. Pagkaraang ito’y magawa, palitan ang basang papel ng panibago. Hindi kasi mainam na patuyuin ang basang sapatos sa init na nanggagaling sa araw dahil maaari itong mauwi sa pagkasira (leather cracking).
Kapag tuluyan nang natuyo ang sapatos ay puwede itong linisan gamit ang leather balm o cream para magmukha muling bago.
KAPAG MAY TAKONG ANG SAPATOS
Mahilig din ang marami sa atin sa pagsusuot ng may takong na sapatos. May mga ilang propesyon nga naman na hinihingi ang pagsusuot nito. Isang tilamsik lang ng tubig sa high heels ay damay ang mga paa mo sa pagkabasa.
Ang mainam na solusyon dito ay magsuot muna ng tsinelas habang binabaybay ang mapuputik at basang kalsada at saka na lang magpalit ng sapatos kapag narating na ang destinasyon o opisina. Pero may iba pang alternatibong paraan para mabigyan ng proteksiyon sa ulan ang suot mong high heels. May nauusong disposable rain footwears na mabibili na sa merkado.
Katulad na lang ng foldable rain boots at reusable plastic rain covers. Kahit nakasuot ka ng sapatos ay maaari mo itong ibalot sa paligid nito. Komportable at madali lang gamitin.
Palagi lamang tatandaan na kapag lulusong sa baha ay dapat may sapin ang iyong talampakan dahil maaari kang makakuha ng sakit sa maruming tubig na ito.
Kapag sobrang maulan, isa sa mainam suotin ang rain boots dahil napoprotektahan nito ang ating mga paa. Pero hindi porke’t nakasuot ka ng rain boots, hindi ka na puwedeng maging fashionista. Sabihin mang rain boots lang ‘yang suot mo, puwedeng-puwede ka pa ring maging stylish. At narito ang ilang style tips sa pagsususot nito at para maging cute na ring tingnan:
SIMPLE MAN PERO PUWEDENG UMANGAT ANG OUTFIT
Kahit simple lang, puwede pa ring umangat ang outfit mo. Kumbaga, hindi naman kailangang bonggang-bongga ang isusuot mo para lang masabing fashionista ka. Kung nakasuot ka nga naman ng boots, isa sa puwede mong iterno ay ang leggings, socks, comfortable tee at cute hat. Cute ang style na ito. Isang way rin ito upang mapanatiling warm at dry ka sa kabila ng maulang panahon.
SKIRT AT SWEATER, SWAK DIN KAPAG TAG-ULAN
Hindi porke’t rainy days, hindi ka na magsusuot ng skirt. Swak na swak ding iterno sa skirt ang rain boots. Lalo rin itong gaganda kung papartneran mo ng sweater. Naprotektahan ka na sa lamig ng panahon, hindi pa nawala ang pagiging stylish mo. Puwede mo rin namang idagdag ang scarf.
MISMATCHED BOOTS
Kung gusto mo namang maging medyo kakaiba ang look mo, puwede mong piliin ang mismatched boots. Mas makatatawag nga naman ito ng pansin.
Kung gusto mo namang maging comfy ang outfit mo, puwede kang magsuot ng long shirt over leggings.
REGULAR BOOTS, AKMA RING PAMPORMA
Kung hate na hate mo naman ang rain boots, puwede ka rin namang maghanap ng rain boots na kapag tiningnan mo parang regular boots lang. Kumbaga, hindi gaanong halata na rain boots ito. Sa panahon ngayon, maraming-marami ka nang mahahanap na ganyan. Siguraduhin lang din na bagay sa iyo ang pipiliin mo para makadagdag ito ng ganda sa iyong kabuuan.
COLORFUL RAIN BOOTS
Para rin mawala ang lungkot o dilim na dala ng ulan, magsuot ng colorful boots. Mas nakabubuhay nga naman ang pagsusuot ng mga makukulay na outfit. Hindi lamang ito swak sa tag-init dahil puwedeng-puwede rin ang style na ito kahit na maulan. Kaya para gumanda ang mood kahit na maulan o madilim ang paligid, magsuot ng colorful rain boots at ternuhan ito ng colorful outfit. Puwede rin namang ternuhan mo ang colorful boots ng neutral colors gaya ng beige, ivory, taupe, black, gray, at white.
Kahit na maulan, puwedeng-puwede ka pa ring maging stylish. Basta’t tandaan lang na komportable ka sa kahit na anong outfit na susuotin mo lalo na kapag malamig ang panahon. (photos mula sa google) CS SALUD
Comments are closed.