KASABAY ng pasukan ang tag-ulan. Kung nitong mga nagdaang buwan ay pinoproblema natin ang mainit na panahon. Ngayong papasok ang tag-ulan, malamang ay ireklamo naman natin ang walang tigil na pagbuhos nito.
Pabago-bago nga naman ang panahon. At kahit na sabihin nating nagbabago ang panahon, hindi rin mapipigil nito ang ginagawa natin sa araw-araw, lalo na iyong nag-oopisina at nagtutungo sa eskuwelahan.
Ngayong papalapit na tag-ulan, maraming sakit ang puwede nating makuha kaya nararapat tayong maging maingat. May ilan din na kung kailan maulan o tag-ulan, saka naisipang mag-travel.
Kunsabagay, wala namang panahon ang pagta-travel. Kumbaga, umulan man o umaraw, kung gusto mong magliwaliw ay maaari mong gawin.
Dahil marami ang lumalabas ng bahay kapag tag-ulan, narito ang ilang tips upang masiguro ang inyong mga lakad:
PALAGIANG PAGDADALA NG PAYONG
Kapag mainit ang panahon, kung minsan ay hindi tayo napipilitang magdala ng payong o kahit na anong pansangga sa init. Puwede ka nga namang maglakad sa ilalim ng sikat ng araw. Iyon nga lang ay puwedeng masunog ang balat mo.
Pero kapag tag-ulan, hindi puwedeng maglakad sa ilalim ng buhos nito sapagkat tiyak na mababasa ka. At kapag nabasa ka, tiyak ding magkakasakit ka.
Kaya ngayong naibalitang papasok na ang tag-ulan, isa sa mainam dalhin sa araw-araw na pagtatrabaho o pagtungo sa eskuwelahan ay ang payong. Napakaimportante nito upang mapanatiling tuyo ang ating katawan sa kabila ng malakas na ulan.
Mabuti rin kung magdadala nito araw-araw nang kapag umulan ay mayroong magagamit.
Kung tinatamad namang magdala ng payong dahil sa laki o bigat, piliin ang mga payong na maliliit at magkakasya sa bag. Sa ngayon ay marami ng klase ng payong na swak sa pangangailangan ng kahit na sino.
GUMAMIT NG WATERPROOF NA BAGS
Sa tuwing aalis ang kahit na sino sa atin, lagi itong may dalang bag. May mga taong hindi nakaaalis ng bahay na walang dalang bag. Mahirap nga namang umalis ng walang bag dahil wala kang mapaglalagyan ng mga gamit mo gaya ng cellphone, tissue, hand sanitizer at kung ano-ano pa.
Kung maulan, isa sa mainam na gamitin ay ang mga klase ng bag na hindi nababasa ang loob. Kaya piliin ang mga waterproof na bag nang hindi masira at maprotektahan ang laman ng inyong bag.
Puwede rin naman ang kahit na anong bag, iyon nga lang ay kailangang ingatan mo ito para hindi mabasa.
PUMILI NG ANGKOP NA DAMIT
Ang panahon ng tag-ulan ay panahon din ng dumi at basang paligid. Kaya naman iwasang magsuot ng mga magagarbong damit o iyong mga klase ng damit na madaling madumihan at mabasa. Magsuot ng mga outfit na angkop sa tag-ulan. Piliin ang mga damit na mainit sa katawan o iyong makakapal nang hindi lamigin.
PALAGING MAGDALA NG HAND SANITIZER
Huwag ding kaliligtaan ang pagdadala ng hand sanitizer dahil kakailanganin mo ito kapag madalas ang pag-ulan.
Importanteng napapanatili nating malinis ang ating mga kamay nang hindi tayo dapuan ng sakit.
Kaya isa ito sa isama sa listahan ng mga kailangang dalhin kung lalabas o aalis ng bahay.
LUGAR NA MAGANDANG PUNTAHAN
Kapag tag-ulan, maraming lugar ang puwede nating puntahan. Ilan sa masarap tambayan kapag maulan ang paligid ay ang mga coffee shop.
Bukod sa nakare-relax tumambay sa ganitong mga lugar, napakarami ring inuming puwede mong pagpilian nang mainitan ang iyong pakiramdam.
Ngayong papalapit na ang tag-ulan, maging maingat tayo. Palagi nating isaisip ang ating kaligtasan. (photos mula sa google) CT SARIGUMBA
Comments are closed.