BINALAAN kahapon ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang mga nagbabalak na magsagawa ng kanilang kilos protesta na huwag lalabas sa mga itinalagang freedom park kasabay ng panunumpa ngayong araw ni Pangulong Ferdinand Bongbong Romualdez Marcos Jr.
Iginiit ni PNP Director for Operations Gen. Valeriano de Leon na may “corresponding police response” ang naghihintay sa mga nagpoprotesta sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa sandaling lumabas ang mga ito sa itinakdang freedom parks kung saan sila maaaring mag-rally.
Ayon kay De Leon, maari lamang na manatili ang mga raliyista sa loob ng apat na itinalagang freedom parks sa loob ng lungsod ng Maynila kabilang ang Liwasang Bonifacio, Plaza Miranda, Plaza Moriones at Plaza Dilao.
“Yung 4 na lugar na ‘yan ay pwede silang magsagawa ng rally nila diyan at kahit anong gawin nila. But the moment they will step out of the area ay corresponding police response ang ating itutugon para dito,” babala ni De Leon sa mga raliyista.
“Alam naman natin na the world will be watching us. And we would like to showcase how orderly and how disciplined Filipinos are dito sa ating bansa,” dagdag pa nito.
Kaugnay nito, kinumpirma ng PNP na walang inisyung rally permit ang local government ng Maynila sa sinumang grupo na nagbabalak na maglunsad ng kilos protesta sa paikot ng National Museum kung saan gaganapin ang formal oath-taking ni PBBM.
“Yung mga lugar na yan (freedom parks) ay pwede silang maghayag ng issues and concerns. But the moment they step out of the area as a group, they will be prevented,” diin ni De Leon.
Nakaalerto naman ang pulisya at maging ang augmentation force ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga posibleng magsasagawa ng lightning rally o pananabotahe sa araw ng panunumpa.
Gayundin, inaantabayanan pa kung magsasagawa ng signal jamming sa area paikot ng venue na isa sa mga kinokonsidera lalo pa’t isang makasaysayang okasyon ang magaganap ngayon. VERLIN RUIZ