ITINURING na pangkalahatang mapayapa ang pagdiriwang ng ika-122 Araw ng Paggawa o Labor Day kahapon kahit pa mapusok ang mga kabataang nagsagawa ng rally sa Maynila.
Batay sa monitoring ng Philippine National Police (PNP), walang major untoward incident ang naganap na banta sa bansa at mamamayang Pilipino.
Samantala, tinawag na “iligal” ng ilang mga grupo ang ginawang pag-aresto ng Manila Police District (MPD) sa anim na indibidwal sa kalagitnaan ng kilos-protesta sa US Embassy kahapon.
Positibong kinilala ng UP Manila Student Council na estudyante ng College of Arts and Sciences ang isa sa inarestong kabataan.
Sinabi ni MPD Spokesperson Major Philipp Ines na ang mga ito ang nagpumilit na pumasok sa US Embassy kahit na wala naman silang permit para mag-rally.
Nahaharap sa patung-patong na kaso ang anim na indibidwal kabilang ang isang babae dahil sa mga paglabag nila sa Batas Pambansa No. 880 o Public Assembly Act.
Samantala, hinahanap naman ngayon ang mga indibidwal na nasa likod ng pagsusulat sa sasakyan ng MPD dahil sa vandalism.
EUNICE CELARIO