HINDI na magsisilbi bilang Acting Mayor si Vice Mayor Raymond Alvin Garcia at opisyal na itong naging alkalde ng Cebu City.
Si Garcia ay nanumpa sa City Hall na pinangunahan ni Leocadio Trovela, ang regional director ng Department of Interior and Local Government (DILG) Central Visayas nitong Miyerkoles, Oktubre 9.
Siya ay magsisilbi sa natitirang termino ng napatalsik na si Mayor Michael Rama matapos ang desisyon ng Office of the Ombudsman kung saan ito ay napatunayang nagkasala ng nepotismo at mabigat na paglabag sa tungkulin na nagresulta sa kanyang pagkakatanggal sa serbisyo publiko.
Dumalo sa seremonya ng panunumpa ang kanyang pamilya at mga kaibigan kabilang ang kanyang ama, na si dating Cebu City Mayor Alvin Garcia.
Nitong Oktubre 7, kinumpirma ni Garcia na ang desisyon ng Ombudsman ay isinilbi ng Department of Interior and Local Government (DILG) at natanggap ng Office of the City Mayor noong Oktubre 3.
Batay sa memorandum ng DILG na may petsang Oktubre 5, 2024, kinilala ni Trovela na natanggap nila ang desisyon ng Ombudsman na may petsang Setyembre 9 kung saan napatunayang nagkasala si Michael Rama ng nepotismo at grave misconduct na may kaparusahang pagkatanggal sa serbisyo at habambuhay na diskwalipikasyon sa muling pagtatrabaho sa gobyerno.
“In view of this, you are informed that by operation of law, you are to assume the office and title of city mayor pursuant to Section 44 of the Local Government Code of 1991 (Republic Act 7160) and the Supreme Court ruling in Tallado vs. Comelec” sabi ni Trovela.
RUBEN FUENTES